Flu

DA idineklarang bird flu-free ang Bataan

352 Views

MATAPOS ang tatlong taon ng outbreaks, opisyal nang idineklara ng Department of Agriculture (DA) na ligtas na ang lalawigan ng Bataan mula sa highly pathogenic avian influenza (HPAI)—isang tagumpay para sa isa sa mga pangunahing poultry-producing na lugar sa Central Luzon.

Sa ilalim ng Memorandum Order No. 31, kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na sa mga huling isinagawang surveillance activity, nakita ang kawalan ng infection, na naging dahilan upang tuluyang iangat ang bird flu status ng lalawigan.

Unang naiulat ang kaso ng HPAI subtype H5N1 sa Bataan noong 2022, na pansamantalang naresolba bago muling lumabas ang mga outbreak noong 2023—partikular sa mga duck farm sa Pilar (Abril) at Lungsod ng Balanga (Nobyembre). Noong Mayo 2024, naapektuhan din ang isang quail farm sa Hermosa.

Nakipagtulungan ang provincial government sa DA at Bureau of Animal Industry (BAI) upang magpatupad ng mahigpit na disease control protocol gaya ng stamping out, quarantine measures, at disinfection sa mga apektadong lugar. Kabilang din sa surveillance ang blood sampling at virus testing sa mga domestic bird.

Bagaman idineklara nang bird flu-free ang Bataan, nagbabala ang DA na maaaring bawiin ang status kung magkakaroon ng panibagong kumpirmadong kaso.

“Binabalik ng deklarasyong ito ang kumpiyansa sa poultry sector ng Bataan at sinusuportahan nito ang ating pangmatagalang layunin na tiyakin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng science-based animal health policies,” ani Kalihim Tiu Laurel.

Isa ang bird flu sa mga pinaka-nakakagambalang sakit sa hayop sa usaping pang-ekonomiya, lalo na para sa poultry sector na nagsisilbing haligi ng mga kabuhayan sa kanayunan at ng seguridad sa pagkain ng bansa. Lalong nakababahala ang subtype na H5N1 dahil sa zoonotic potential nito—ang kakayahang makahawa sa tao at iba pang hayop—kaya’t itinuturing din itong public health concern.

Ang deklarasyon ay kasabay ng patuloy na paglago ng industriya ng poultry sa Bataan. Noong 2024, nakapag-produce ang lalawigan ng 46,477 metric tons ng produktong poultry, 22 porsyento na mas mataas kumpara noong nakaraang taon, bunsod ng pagtaas sa produksyon ng manok at itlog. Sa kasalukuyan, 1.6 porsyento ng kabuuang produksiyon ng poultry sa bansa ay nagmumula sa Bataan, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Tiniyak ng DA na patuloy itong makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at stakeholder ng industriya upang mapanatili ang biosecurity, suportahan ang mga surveillance program, at maiwasan ang panibagong outbreaks sa hinaharap.