DA

DA nagpasalamat sa mga mambabatas ng nangakong dagdag pondo sa ahensiya

Cory Martinez Sep 26, 2024
104 Views

PINASALAMATAN ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga mambabatas na nangako na dadagdagan ang pondo para sa agrikultura upang mapalakas ang produksyon at lumaki ang kita ng mga magsasaka.

Ipinahayag ni Tiu Laurel ang kanyang pasasalamat matapos na aprubahan sa plenary deliberation ang 2025 budget ng Department of Agriculture (DA) at ng National Irrigation Administration.

Para sa 2025, inaasahang makakatanggap ang DA ng P200.19 bilyon mula sa National Expenditure Program (NEP) para sa kasalukuyang taon samantalang ang panukalang pondo para sa NHA sa susunod na taon aabot sa P42.57 bilyon na mataas ng konti kaysa sa NEP nito na P41.7 bilyon noong nakaraang taon.

Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-halaga ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang kritial na papel ng agrikultura sa pagbibigay ng pagkain para sa lahat ng Pilipino at sa pagpapaganda ng ekonomiya at pagkakaroon ng maraming trabaho.

“What we envision today, therefore, is a modernized, sustainable and climate-resilient agricultural sector that prioritizes food security, access to safe and quality food for consumers, and economic prosperity for all Filipinos,” dagdag pa ni Tiangco.

Ayon pa kay Tiangco, madalas nararanasan ng mga magsasaka at mangingisda ang paglaban sa paiba-ibang timpla ng panahon, mga peste at sakit at ang kahirapan.

Samantala, inamin naman ni Iloilo Rep. Janette Garin, co-sponsor ng mga budget ng dalawang ahensya, na kahit dagdagan ang alokasyon sa NEP ng nga ito, hindi pa rin sasapat upang masakop lahat ang mga pangangailangan sa agrikultura dahil sa kawalan ng sapat na pamumuhunan sa loob ng tatlong dekada at paglaki ng food requirement ng bansa.

Sinabi pa ni Garin na maaaring masiguro ang pagdagdagan sa pondo sa agrikultura sa gaganaping bicameral conference committee discussion upang maging pinal na ang General Appropriations Act.

“Agriculture is a priority of President Ferdinand Marcos, Jr.,” dagdag pa ni Garin.

Binigyang-diin naman ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado ang pangangailangan sa pagmomoderno ng agrikultura sa Pilipinas kaya’t marapat lamang na dagdagan ang pondo ng mga naturang ahensya.

Ayon pa kay Bordado, napakahalaga sa pagsiguro ng food security ng bansa sa pamamagitan ng pagpapabuti sa buhay ng milyong Pilipino na nakadepende sa farm sector at ang pagbawas sa pagdepende sa pag-angkat ng mga pagkain.

Paliwanag naman ni Tiu Laurel na magkakaroon ng pagkakataon ang DA na paigtingin ang kanilang pagsisikap sa pagtiyak ng food security, pagmoderno sa agrikultura at mapabuti ang buhay ng milyon-milyong magsasaka kapag naipagkaloob ng Kamara ang karagdagang budget.