Isda

DA: Nakumpiskang isda ng BOC ipakain sa biktima ng kalamidad

Cory Martinez Nov 25, 2024
37 Views

HINILING ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Bureau of Customs (BOC) na i-turnover ang 580 metriko tonelada ng nakumpiskang frozen mackerel sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ipamigay sa mga biktima ng kalamidad.

Sa kanyang liham kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, sinabi Tiu Laurel na ang mga nakumpiskang isda ligtas kainin base sa resulta ng laboratory test ng National Fisheries Laboratory Division ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Napag-alaman na walang sign ng kontaminasyon o spoilage ang mga naturang isda.

Ang shipment na nakumpiska dahil sa kawalan ng import permit gagamitin para sa relief operation at upang mapalakas ang pagsisikap sa food security.

“Consequently, the fish products are deemed fit for immediate release and can be utilized to address food security needs, especially in relief operations,” ani Tiu Laurel.

“This initiative would support the DSWD and the Department of Agriculture’s ongoing efforts to provide essential aid to victims of the recent typhoon,” dagdag pa ng kalihim.

Dumating ang naturang shipment sa Manila International Container Port noong Oktubre nang walang kaukulang sanitary and phytosanitary import clearances.

Kinumpiska ang shipment na nasa 21 container vans at naglalaman ng frozen mackerel ng pinagsanib na pwersa ng Inspectorate and Enforcement Office ng DA at ng BOC.

Matapos makumpiska, ipinag-utos ni Tiu Laurel ang pagsasagawa ng laboratory test upang masuri kung maaari itong kainin at ipamigay sa mga komunidad na apektado ng mga bagyo.