Calendar

DA, NHA nag-collab para sa mas maraming KADIWA ng Pangulo stores
MAGTATATAG ng KADIWA ng Pangulo program sa lahat ng proyekto ng National Housing Authority (NHA) upang palakasin ang food security at mapahusay ang access sa abot-kayang pagkain.
Sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Agriculture at NHA, tutulong ang DA sa pagtukoy at pagtatayo ng KADIWA stores sa mga lokasyon ng NHA at magbigay ng logistical at technical support upang masigurong magtagumpay ang implementasyon ng programa.
“Ikinagagalak kong saksihan ang panibagong mahalagang yugtong ito sa KADIWA ng Pangulo program. Mapapalawak ang maabot na mga Pilipino at mapalakas ang adhikain sa seguridad sa pagkain, abot-kaya at madaling mabili,” sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“Itong memorandum of understanding sa pagitan ng DA at NHA kumakatawan sa mahalagang hakbang sa pagsama ng seguridad sa pagkain sa mga komunidad ng pabahay.
Mahalaga ang pabahay subalit ang tunay na pag-unlad ng komunidad ay hindi lamang ang pagkakaroon ng matutuluyan.
Dapat kasama ang pangmatagalang sistema sa pagkain, oportunidad sa pangkabuhayan at katatagan ng ekonomiya,” dagdag ni Tiu Laurel.
Binigyang-diin naman ni NHA General Manager Joeben Tai na ang MOU sa DA pagpapakita ng suporta ng NHA sa KNP program.
“Ito ang aming paraan ng pagtulong sa mga residente ng NHA housing projects upang mapahusay ang kanilang pang-araw araw na buhay. Layon ng MOU na mapaganda ang kabuhayan ng ating mga magsasaka,” ani Tai.
Samantala, sinabi ni DA Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Genevieve Velicaria-Guevarra na ang partnership sa NHA bahagi ng mas pinalawak na hangarin ng KNP program na maitayo ang matatag na supply chain na pakikinabangan ng low-income at mahihirap na komunidad.