DA

DA ni-lift import ban vs Japan poultry products

Cory Martinez Jul 11, 2025
43 Views

BINAWI na ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabawal sa importasyon ng domestic at wild birds at by-products mula sa Japan dahil wala ng kaso ng highly pathogenic avian influenza sa nabanggit na bansa.

Sa Memorandum Order No. 36 na ipinalabas ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., inalis na ang ban batay sa report na isinumite ng Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries ng Japan sa World Organisation for Animal Health (WOAH).

Kinumpirma ng Japan na lahat ng mga naunang kaso ng HPAI ay naresolba na noon pang Hunyo 13 at wala ng naireport na panibagong kaso mula noon.

Ipinatupad ng DA ang import ban noong Nobyembre 2024 sa mga karne ng manok, day-old na sisiw at semilya galing sa Japan.

Ginawa ito bilang pag-iingat upang mabantayan ang lokal na industriya na prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at pinagmumulan ng trabaho at pamumuhunan sa Pilipinas.

Sinabi ni Tiu Laurel na alinsunod sa WOAH guidelines at sariling risk assessment, libre na sa bird flu ang Japan.

Dahil sa pag-alis ng import ban, lahat ng transaksyon sa pag-aangkat na may kinalaman sa poultry products mula sa Japan ay kinakailangang sumunod sa umiiral na patakaran sa sanitary at phytosanitary at import protocols ng DA.

Inaasahang makatutulong ang desisyon upang mapatatag ang poultry supply chains at makapagbigay ng mas malakas na kakayahan sa supply ng mga lokal na negosyo.

Magiging epektibo kaagad ang direktiba at iiral hanggang sa amyendahan o pormal na babawiin.