Bigas

DA: Pangangailangan ng konsyumer, magsasaka makakamit sa P42/kilo na bigas

Cory Martinez Nov 18, 2024
71 Views

KINOKONSIDERA ng Department of Agriculture (DA) na “happy balance” ang nabibiling P42 per kilo ng well-milled rice sa ilang stall dahil makakamit ang pangangailangan ng mga konsyumer at magsasaka.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kahit na gusto na makamit ang layunin nila na ibaba ang presyo ng mga pagkain, kailangan din na isipin ang pangangailangan ng mga magsasaka na siyang nagpapakahirap na nagtatrabaho sa sakahan pero hindi lubos na nakikinabang sa mga ani nila.

Binigyang-diin pa ni Tiu Laurel na bukod sa Vietnam kung saan mas mababa ang production cost, mas abot-kaya ang retail price ng well-milled rice sa Pilipinas kaysa sa mga galing sa Thailand at China.

Simula pa noong nakaraang linggo, ang presyo ng well-milled rice nasa pagitan ng P45 at P52 kada kilo samantalang ang mga galing sa Thailand nasa pagitan ng P51.95 at P132.75 kada kilo at sa China sa pagitan ng P44.47 at P88.86 kada kilo.

Inaasahan din na bababa ang retail price ng bigas na galing sa ibang mga rice-producing areas sa bansa dahil sa pangako ng mga rice trader na ibaba ang presyo ng kanilang palay.

Karaniwang dumodoble ang presyo ng buying price ng palay para maitakda ang presyo ng bigas sa merkado.

Kinukunsidera din ni Tiu Laurel ang paggalaw ng bigas sa pandaigdigang merkado kasabay ng paggalaw ng palitan ng piso sa ibang currency.