DA Source: File DA photo

DA pinagbawal pag-angkat ng buhay na baka, buffalo mula Japan

Cory Martinez Dec 19, 2024
15 Views

PANSAMANTALANG ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng buhay na baka at buffalo kabilang na ang kanilang mga produkto, na nagmumula sa bansang Japan dahil sa outbreak ng Lumpy Skin Disease (LSD).

Batay sa memorandum order no. 57 na inilabas ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nararapat na ipatupad ang temporary import ban upang maprotektahan ang populasyon ng local cattle at water buffalo mula sa LSD virus.

Ang LSD ay isang viral disease na karaniwang dinadapuan ang mga baka na nagiging sanhi ng matinding kumplikasyon at pagkamatay.

Karaniwang sintomas nito ay lagnat, nodules sa balat at internal organ, pagbaba ng timbang, namamagang lymph node at fluid accumulation sa ilalim ng balat.

Batay sa ulat ng Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries ng Japan sa World Organization for Animal Health, ang outbreak ay nangyari noong Nob. 15, 2024, sa Maebaru, Fukuoka.

Bukod sa mga buhay na hayop, bawal din ang pag-aangkat ng cattle at water buffalo products at by-products, kabilang na ang unpasteurized milk at milk products, embryos, balat, at semilya na ginagamit sa artificial insemination.

Subalit hindi naman kasama sa ban ang ibang mga produkto kung ang mga ito ay pumasa sa Philippine import at health standards. Kabilang sa mga produktong ito ay ang skeletal muscle meat, casings, gelatin at collagen, tallow, hooves at horns, blood meal at flour, bovine ay water buffalo bones and hides, at pasteurized milk.