DA

DA sec nagmamatyag sa presyo ng bigas, mais

Cory Martinez May 21, 2024
111 Views

NAGMAMATYAG si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. sa paggalaw ng mga presyo ng bigas, mais at iba pang produktong agrikultura bilang paghahanda sa inaasahang La Niña.

Sinabi ni Laurel na layunin ng matamang pagmamatyag na malaman kung ano ang mangyayari sa transisyon mula El Niño papuntang La Niña sa agrikultura at para maprotektahan ang mga magsasaka at mamimili.

“Since umupo ako bilang kalihim ng Department of Agriculture, ako personally ang nagmomonitor ng lahat ng presyo ng bilihin sa mga palengke sa iba’t-ibang lugar sa ating bansa,” ani Tiu Laurel.

Ayon sa kalihim, nitong nakalipas na mga buwan lubhang naapektuhan ang agrikultura dahil sa sobrang init ng panahon at kawalan ng ulan dulot ng El Niño.

Inaasahan namang magdudulot ng malalakas na ulan ang La Niña na maaaring mauwi sa pagbaha na lubhang makakaapekto sa sakahan.

Kamakailan, iniutos ni Tiu-Laurel ang pagpapatakbo ng Climate Resilient Agriculture Steering Committee (CRASC) para makapagbigay ng tamang direksiyon at gumabay sa paggamit ng DA sources para sa pagtugon sa climate change.

Pinamumunuan ni Asis Perez, Undersecretary for Policy, Planning and Regulations ang CRASC samantalang co-chair sina Undersecretary for Operations Roger Navarro at Jerome Oliveros, Undersecretary for Special Concerns and for Official Development Assistance-Foreign Aid/Grants.

Miyembro ng presidential Task Force El Niño si Tiu Laurel. Pinamumunuan ni National Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. ang naturang task force samantalang co-chair si Science and Technology Secretary Renato Solidum.

Sa ika-limang miting ng Task Force, nagbabala si Teodoro sa mga hoarder at manipulator na hahabulin sila ng pamahalaan kapag nahuling nananamantala sa mga mamimili.

Tiniyak ni Teodoro na nakahanda ang Department of National Defense (DND) na tumulong sa mga ahensya na nagmomonitor ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin.

Binigyang-diin pa ni Teodoro na nararapat na paigtingin ang pagmamatyag sa mga merkado ng presyo at suplay ng bigas para maprotektahan ang mga mamimili sa mga mapagsamantala sa gitna ng El Niño.