Louis Biraogo

Dadayain si BBM sa halalan

891 Views

BBMMULA noong Nobyembre 2021, hindi na bumaba sa 50% hanggang 60% ang nakukuhang porsyento ang sumasang-ayon na si Bong Bong Marcos (BBM) ang susunod na magiging Pangulo ng bansa sa ginawang pananaliksik sa pulso ng mga botante (voter preference survey) ng mga dalubhasa sa ganitong pag-aaral.

Ang naunang sandata na ginamit ng mga katunggali ni BBM laban sa kanya ay ang pagsampa ng mga iba’t ibang mga kaso sa Commission on Elections (COMELEC) at Korte Suprema para pigilan ang kanyang pagtakbo at maantala ang pagiging Pangulo nito. Noong ibinasura ng COMELEC ang mga pangunahing kaso laban kay BBM, nawalan ng pag-asa ang ganitong taktika kahit meron pang mga iilang kaso na pinagpapatuloy ang pakikibaka.

Halos sinundan lang ang pagsampa ng mga kaso laban kay BBM ng paninira o ang paglabas ng mga kalansay sa aparador ni BBM, totoo man o hindi, upang madismaya ang mga tumatangkilik sa kanya.

Nakita natin na tinawag si BBM na sinungaling, duwag, tamad, anak ng diktador, magnanakaw, at iba pang paninira. Ngunit, hindi nagpatinag ang pagtangkilik ng mga mamayan kay BBM at patuloy pa rin na nanatili sa 50% to 60% ang nakukuha niyang porsyento sa mga iba’t ibang pananaliksik (survey).

Kaya maituturing na nasa mayorya ang masigasig na botante (hard voters) ni BBM.

Sabi nga ng karamihan, tapos na ang boksing. Ibig sabihin, panalo na si BBM.

Sabi naman ng iilan, “Teka, teka, hindi pa binibitawan ang baraha ng pandaraya. May pag-asa pa!” “Hindi ba ninyo naalala na noong 2016, sa labanan sa pagkabise-presidente, ay nangunguna din si BBM sa mga ginawang pananaliksik (survey)?” Ngunit, hindi nagwagi si BBM. Hindi si BBM ang naka-upong Bise-Presidente.

Kaya nakakatiyak ako na dadayain si BBM sa halalan. Kung nangyari noon na pagkabise-presidente lang ang pinag-aagawan, ngayon pa kaya na mas malaki ang nakataya? Hindi na lihim sa kaalaman ng mga Pilipino na mayroong dayaan na nangyayari sa ating eleksiyon. At, mayroon ding mga ma-abilidad na pinagkakakitaan ang pagyurak ng kalooban o kapasyahan ng nakakarami.

Ito na ang hamon na kinakaharap nating mga Pilipino. Tayo ba ay tunay na naniniwala at nakatuon sa demokrasya kung saan ang nakakarami ang nasusunod?

Handa ba tayo na ipaglaban ang demokrasya? Handa ba tayong lumaban sa nakatakdang pandaraya? Handa ba nating tanggapin ang kapasyahan ng nakakarami?

Sa darating na halalan, itakwil ang pandaraya at lumaban para sa kapakanan nating mga Pilipino at ng inang bansa.