Chiz

Dagdag badyet sa DSWD pwedeng kunin sa di nagamit na P36B pondo

45 Views

MAY mahigit na ₱36 bilyon na hindi nagamit na pondo ang Department of Education (DepEd) na maaaring pagkunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang madagdagan ang badyet ng ahensya matapos tanggalin ng bicameral conference committee ng Kongreso ang ₱10 bilyong hiling nito para sa computerization program.

Ito ang binigyang-diin nitong Martes ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero, na nagsabing, “The President has the power to augment any item in the budget from savings or unspent items in the budget; this way he need not veto other line items in the GAA (General Appropriations Act) in order to provide the DepEd additional funds.”

“Ayon sa mga dokumentong isinumite ng DepEd sa Kongreso noong budget hearing, may ilang hindi nagamit na pondo sa badyet ng DepEd na maaaring magamit, partikular na mula sa pondong inilaan para sa computerization program ng DepEd mula 2022 hanggang 2024,” ani Escudero.

Sa nakalipas na tatlong taon simula 2022, may mahigit ₱36 bilyon ang hindi nagamit mula sa computerization program ng DepEd.

Noong 2022, may ₱13.068 bilyon na inilaan para sa computerization program ng DepEd, ngunit nasa ₱10.03 bilyon ang nanatiling hindi nagamit. Noong nakaraang taon, 50 porsyento lamang ng ₱20.4 bilyong alokasyon sa ilalim ng 2023 GAA ang nagastos ng DepEd. Sa kasalukuyang badyet, hindi pa nagagalaw ang ₱15.9 bilyon mula sa ₱18.08 bilyong inilaan para sa computerization.

“That is a total of ₱36.13 billion of unspent funds over the past three years, more than thrice the ₱10 billion that DepEd would like to be restored in its 2025 budget. So may pondo naman na pwedeng i-tap si Presidente,” ani Escudero.

Gayunpaman, ikinalungkot ng senador mula sa Bicol na dahil sa kabiguan ng DepEd na ganap na gamitin ang 2022 computerization budget, ang ₱10.034 bilyong hindi nagamit ay babalik sa National Treasury sa katapusan ng 2024.

“Education has many champions in both chambers of Congress, and we are all committed to providing our public schools with the support they require. Pero kailangan din masigurado ng DepEd na magagamit ang pondo nito ng maayos. These allocations for education will not help anyone unless the DepEd properly spends them on the projects they are intended for,” ani Escudero.

Dagdag pa niya: “From 2022 to 2024, 70 percent of the ₱51.5 billion allotted for the DepEd computerization program were unspent. So one can see why Congress has to be circumspect with regard to budget allocations. Tinitingnan natin hindi lang ‘yung purpose ng pondo, kundi ang kakayahan at kapasidad ng ahensya gamitin ang pondo nila. All these factors are taken into consideration.”

“Parang lumabas kayo ng kaibigan mo at nagyaya s’ya sa buffet, sagot mo. Nakita mo, mahina pala kumain. Kung magayaya ‘yan uli lumabas, malamang ‘di mo na dadalhin sa buffet ‘yun, sa may mga set meal na lang kasi sayang ang gastos. In this situation ang pagiging takaw mata can result in a few hundred pesos wasted; in government we are talking about billions of pesos,” ani Escudero upang ipaliwanag ang kanyang punto.