PhilHealth Source: PhilHealth Source: PhilHealth

Dagdag kontribusyon sa PhilHealth pinag-aaralan pa — Pangulong Marcos

Chona Yu Feb 28, 2024
174 Views

PINAG-AARALAN pa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang dagdagan ang kontribusyon sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa ambush interview sa Pasay City bago tumulak patungong Canberra, Australia, sinabi ni Pangulong Marcos na kung may dagdag benepisyo sa mga miyembro ang dagdag kontribusyon, aaprubahan niya ito.

“So, kung may benepisyo naman, if we can justify the increase then we’ll do it but if not, we won’t. Ganoon lang kasimple ‘yun. It’s just a very straightforward cause-benefit analysis. We’re still under study but we’ll come to a conclusion very, very soon,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nasa apat hanggang limang porsyento ang itataas sa kontribusyon ng mga miyembro.

“It’s really a cause-benefit analysis. And PhilHealth has been expanding it’s services and trying to reach more people, trying to engage more people. And like for example ‘yung mga pinagbabayad sa mga nagda-dialysis, has increased almost three times; the payment for even catastrophic like cancer, has increased by tenfold,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Una nang sinabi ni PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma Jr. na wala raw pagtutol si Pangulong Marcos sa increase sa kontribusyon.

Pero agad itong nilinaw ng Presidential Communications Office na under review pa ang naturang plano.