Hataman

Dagdag pampublikong cemetery isinusulong

175 Views

HINIHILING ngayon ng isang Mindanao congressman sa lahat ng lokal na opisyal ng mga siyudad at munisipalidad sa buong Pilipinas na magpalagay sila at magkaroon ng pampublikong sementeryo na nakalaan para sa mga namatay na Muslim.

Ito ang nilalaman ng House Bill No. 3755 na inihain ni Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman sa Kamara de Representantes na nagbibigay mandato sa lahat ng Local Government Units (LGU’s) na maglaan ng sementeryo na ekslosibo para sa mga Muslim.

Ikinatuwiran ni Hataman na ang paniniwala nilang mga Muslim ay kailangan mailibing sa loob ng 24 na oras ang sinomang pumanaw na Muslim kaya napakahalaga na magkaroon ng paglilibingan para sa kaniyang mga “Muslim brothers”.

Binigyang diin ng Muslim solon na grabe umanong hirap ang pinagdadaanan ng bawat pamilya ng mga pumanaw na Muslim partikular na kung nasa malayong lugar sila o kaya naman ay walang sementeryo para sa mga Muslim.

Ipinaliwanag pa ni Hataman na may mga pagkakataon din na bumibiyahe pa mula sa napakalayong lugar ang pamilya ng pumanaw na Muslim para lamang mailibing ang kanilang mahal sa buhay.

Nakapaloob sa panukala ng kongresista na kailangang maglaan ng lupa ang bwat siyudad at munisipalidad na gagamitin para maging libingan ng mga Muslim. Kung saan ang laki naman ng lupa ay nakadepende sa populasyon ng mga Muslim sa kani-kanilang lugar.