Martin5

Dagdag pamumuhunan, trabaho inaasahan sa tagumpay ng PBBM admin sa WEF — SFMR

146 Views

DAGDAG na pamumuhunan at mapapasukang trabaho ang layunin ng pagpunta ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng kanyang delegasyon sa 2024 World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Matagumpay na ipinakita ni Speaker Romualdez sa foreign investors na dumalo sa WEF kung bakit sa Pilipinas sila dapat mamuhunan.

Sinabi ni Speaker Romualdez sa foreign investors na ngayon ang tamang panahon upang maglagak ng pamumuhunan sa Pilipinas at ibinida rin nito ang bagong tayong Maharlika Investment Fund (MIF) na siyang popondo sa mga malalaking proyekto na kailangan ng bansa.

Sa kanyang pagsasalita sa “Breakfast Interaction with the Philippine Delegation” sa 2024 WEF roundtable discussion sinabi ni Romualdez na gumagawa ng pagbabago sa polisiya ang administrasyong Marcos upang maging investor-friendly ang bansa.

Sinabi ni Speaker Romualdez na pinatunayan ng pag-angat ng ekonomiya ng bansa na epektibo ang mga pagbabagong ginagawa ng administrasyong Marcos at inaasahang patuloy pang uunlad ang bansa.

Ayon kay Speaker Romualdez, malaki rin ang maitutulong ng MIF sa pamumuhunan mula sa lokal at dayuhang investors upang mapondohan ang mga malalaking proyekto na hindi agad maipagagawa ng gobyerno.

Sinabi ni Speaker Romualdez sa mga dayuhang mamumuhunan na nagkasundo na ang Senado at Kamara de Representantes sa pangangailangan na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon na naglilimita sa kanilang pamumuhunan na maaaring ilagak sa bansa.

Sa pagdami ng dayuhang mamumuhunan sa bansa, ipinaliwanag ni Speaker Romualdez na dadami rin ang mga trabaho na maaaring mapasukan ng mga Pilipino na makatutulong upang gumanda ang estado ng kanilang pamumuhay.

Nagpasalamat naman si Speaker Romualdez sa delegasyon nito sa 2024 WEF dahil nagawa nito ang misyon na ma-promote ang Pilipinas sa mundo bilang isang investment destination.

Kasama sa delegasyon ng Pilipinas sa 2024 WEF sina Maharlika Investment Corporation CEO Rafael Consing, Jr., Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona, at Energy Secretary Raphael Lotilla.

Kabilang naman sa mga nakasalamuha ni Speaker Romualdez sa forum sina Pham Minh Chinh, Prime Minister ng Vietnam, Srettha Thavisin, Prime Minister ng Thailand, at Ngozi Okonjo-Iweala, Director-General ng World Trade Organization (WTO), Geneva.

Inimbitahan din ni Speaker Romualdez ang international business community na dumalo sa gaganaping WEF Country Roundtable sa Maynila sa Marso.

Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang host ng pagtitipon at inaasahan na gaganapin ito sa Malacañang Presidential compound sa Maynila.