Calendar

Dagdag sahod dapat balanse sa manggagawa, employer — JV
NANINDIGAN si Senador Joseph Victor “JV” Ejercito na dapat pag-isipan nang mabuti ang panukalang dagdag sa arawang minimum na sahod upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga manggagawa at ng kakayahang pinansyal ng mga employer, lalo na ang mga maliliit at katamtamang laki ng negosyo.
Sa forum na “Kapihan sa Senado” ngayong Hunyo 5, binigyang-pansin ni Ejercito ang pagkakaiba ng mga bersyon ng Senado at Kamara sa panukala: ₱100 dagdag sa sahod ang inilalapit ng Senado, habang ₱200 naman ang naaprubahan sa Kamara.
“Whatever we can give to the laborers, bigay natin,” ani Ejercito.
Aniya, kahit maliit na halaga ay maaaring makapagbigay ng ginhawa. “Kung P100 makakatulong na yan, bakit hindi natin ibigay? Kung P200 kung kaya, bakit hindi?”
Gayunman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga economic managers at sa sektor ng negosyo bago magtakda ng pinal na halaga.
“I want to get the information from the economic managers, of course yung employers kung hanggang saan yung kaya nila ibigay,” paliwanag niya.
Ipinunto rin ng senador ang posibilidad na maantala o mabalewala ang panukala kung hindi dadaan sa masusing konsultasyon.
“Kaysa ma-veto, minsan pag may chance na tinatanong natin kung ano pa yung concern para maka we can make the necessary adjustments,” aniya.
Nagbabala rin siya laban sa mga panukalang maaaring makaapekto sa operasyon ng mga negosyo. “May kasabihan nga, we do not kill the goose that lays the golden egg,” ani Ejercito, sabay panawagan ng isang solusyong patas sa parehong panig.
Hindi siya nagbigay ng tiyak na pabor sa pagitan ng ₱100 at ₱200 dagdag, ngunit binigyang-linaw ang kanyang bukas na pananaw: “If it’s 100, 150. Kung 200, bakit hindi natin ibigay?”
Sa pagtatapos, iginiit ng senador ang kanyang paninindigan: “As long as there’s a wage increase, I’ll be happy to support.”
Inaasahang pag-uusapan pa sa bicameral conference o susunod na sesyon ng Senado ang panukalang dagdag-sahod upang maabot ang pinal na bersyon bago matapos ang kasalukuyang sesyon.