Burol Source: FB file post

Dalagita,16, na nalunod sa kasagsagan ni Enteng nakaburol na

74 Views

DINAGSA ng mga kaibigan, ka-klase at kaanak ang unang gabi ng burol ng 16-anyos na babaing estudyante na nalunod matapos mahulog sa sapa sa kasagsagan ng bagyong Enteng sa Paranaque City noong Linggo ng hapon.

Tinanggap na lamang ng mga magulang ng biktimang si alyas “Rhiane”, residente ng Mayura St. Quirino Avenue, Brgy. Tambo ang pagkamatay ng kanilang anak matapos makuha ang kanyang bangkay Lunes na ng gabi matapos lumutang sa karugtong na sapa sa Philip St. Multinational Village, Brgy. Moonwalk.

Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang kasintahang si alyas “Nathaniel” at mga kaibigan sa gilid ng creek sa Manggahan, Lower Matatdo, Brgy. San Isidro nang aksidenteng madulas at mahulog sa sapa.

Tinangka pang iligtas ng kapatid ni Nathaniel na si alyas “ Jonathan” ang dalaga subalit malakas ang pagragasa ng tubig sa sapa dulot ng bagyong Enteng kaya’t tuluyang tinangay at naglaho ang biktima sa paningin ng mga kasama.

Kaagad namang nagsagawa ng magdamagang rescue operation ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Paranaque police at Barangay Disaster Risk Reduction Management Office (BDRRMO) subalit nabigo silang mahanap ang biktima hanggang lumutang ang bangkay nito Lunes ng alas-6:45 ng gabi.