Calendar
Dalawang 14-anyos na bugaw huli; 11 ‘bata’ na binenta para sa sex nasagip
KALABOSO ang dalawang menor de edad na high school student matapos umanong ibugaw ang 11 menor de edad at isang 19-anyos kapalit ng P3,500 kada kostumer sa isang resort sa Novaliches, Quezon City.
Ayon sa report, kapwa 14-anyos ang mga suspek na naaresto sa isinagawang raid ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU).
Isinagawa ang rescue operation matapos makatanggap ng liham at request for assistance ang NBI mula sa Destiny Rescue Pilipinas Inc.
Sa imbestigasyon, lumitaw na iniaalok umano ng dalawang menor de edad ang “sexual services” ng mga biktima, kabilang ang pinakabatang 13-anyos, kapalit ng P3,500 bawat customer.
Nabatid na sa pamamagitan ng social media ipinapakalat ang mga larawan ng mga biktima upang makapili ang mga parokyano ng nais nilang makatalik.
Ayon sa NBI-SAU, posibleng problema sa pera at pamilya ang nagtulak sa mga suspek at biktima na mapasok sa ilegal na gawain. Hinala rin ng mga awtoridad na magkakakilala o magkakaibigan ang mga ito.
Kaagad namang itinurn-over sa Quezon City Social Welfare and Development Department ang dalawang suspek para sa counseling dahil sakop pa sila ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Gayunman, pinag-aaralan na ng NBI ang posibleng pananagutan ng mga magulang ng mga suspek sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Patuloy rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may mas malaking grupo o sindikato na nasa likod ng umano’y human trafficking operation. Nina MELNIE RAGASA-JIMENA & JONJON C. REYES

