Calendar
Dalawang opisyal ng ARGO Trading sumuko sa liderato ng Kamara
SUMUKO na sa liderato ng Kamara de Representantes ang dalawang opisyal ng ARGO Trading matapos silang hindi makipagtulungan sa imbestigasyon ng House Committee on Agriculture and Food kaugnay sa kontrobersiyal na manipulasyon sa supply at presyo ng mga agricultural products.
Magugunitang pinatawan ng “contempt” ng Agriculture and Food Committee sina ARGO Trading president Efren Zoleta, Jr. at legal counsel Jan Ryan Cruz dahil sa pagmamatigas nilang magbigay ng impormasyon patungkol sa isyu ng price manipulation at hoarding ng sibuyas at bawang.
Sina Zoleta at Cruz ay boluntaryong nagtungo sa Kongreso para sumuko kay Sergeant-at-arms Napoleon Taas noong nakaraang Lunes (March 13) bilang pagtalima sa ipinataw na “contempt” laban sa kanila. Makakasama ng dalawa sa House detention center si ARGO Trading Operations Manager na si John Partick Sevilla na nakapiit mula pa noong March 7.
Nauna rito, pinagbotohan ng mga miyembro ng House Committee on Agriculture and Food na patawan ng “contempt” ang mga nasabing opisyal ng ARGO Trading at ipag-utos na makulong sila ng pitong araw dahil sa pagtanggi nilang makipag-cooperate at magsumite ng mga dokumento sa nasabing Komite.
Dahil sa naging kahilingan ng Komite, nilagdaan naman ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang inilabas na “arrest order” laban kina Zoleta at Cruz dahil narin sa ginawa nilang pang-iisnab sa pagdinig ng Komite na nagsasagawa ng pagsisiyasat sa nabanggit na isyu.
Sinabi naman ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na dapat magsilbing leksiyon ang nangyari kina Zoleta at Cruz para sa mga pasaway na indibiduwal na ayaw makipagtulungan sa mga isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso.
Binigyang diin ni Madrona na ipinakita lamang ng pangyayaring ito na hindi aniya managingimi ang liderato ng Kamara de Representantes na gamitin ang kamay na bakal laman sa sinomang magmamatigas o ayaw makiupagtulungan sa ginagawang pagsisiyasat ng Kongreso sa mga mahahalagang isyu.
Ayon kay Madrona, sinasang-ayunan niya ang naging pahayag ni Speaker Romualdez na hindi magda-dalawang isip ang liderato ng Mababang Kapulungan na ipa-aresto ang mga taong ayaw makipagtulungan sa mga ginagawang imbestigasyon para matukoy ang mga nasa likod ng kontrobersiya.