Dalipe

Dalipe: Kamara trabaho lang, di magsasayang ng oras sa bangayan sa pulitika

132 Views

IPAGPAPATULOY ng Kamara de Representantes ang pagtatrabaho upang maisabatas ang mga panukala na kailangan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para mapaganda ang buhay ng mga Pilipino.

Ito ang sinabi ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe kasabay ang paggiit na hindi magpapagambala ang Kamara sa mga bagay na magpapabagal lamang sa pagganap sa mandato nito.

Sinabi ni Dalipe na ang Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay abala rin sa paparating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos kung saan inaasahan na ilalahad nito ang direksyon ng kanyang administrasyon.

Nangako si Dalipe na ang Kamara sa ilalim ng liderato ni Romualdez ay magdodoble kayod upang magawa ang mandato nito na makapagpasa ng mga batas upang magpatuloy ang pag-angat ng ekonomiya at mapabuti ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino.

Iginiit ni Dalipe na nagawa ni Speaker Romualdez na kunin ang suporta ng iba’t ibang partido upang maipasa ang mga kinakailangang batas ng administrasyon.

“The House of Representatives will not be slowed down by premature partisanship. All these political rumblings are unnecessary distractions that will only brake our momentum in ensuring the swift passage of President Marcos’ priority measures and those that were approved by LEDAC. We have a commitment to the Filipino people that we will do even better on this second regular session,” ani Dalipe.

Sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez, sinabi ni Dalipe na agad naipasa ng Kamara ang 33 sa 42 panukala na tinukoy na bigyang prayoridad ng administrasyong Marcos at ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

“Right now, the House is in the thick of preparations for President Marcos’ second State of the Nation Address as we also prepare to receive from Malacanang next year’s proposed National Expenditure Program. Our hands are full in the House of Representatives so we cannot afford to squander our time on useless partisan bickering,” dagdag pa ni Dalipe.

Naiproseso rin ng Kamara ang 9,600 panukalang batas at resolusyon wala pang isang taon matapos manungkulan ang administrasyong Marcos.