Calendar
![Dy](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Dy-2.jpg)
Dapat respetuhin pananaw ng pabor sa ayuda program — Dy
KINAKATIGAN ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A. Dy V ang panawagan ng mga kapwa nito kongresista sa mga kritiko ng “ayuda program” matapos nitong ipahayag na dapat respetohin na lamang nila ang panananaw ng mayorya ng mamamayan na pumapabor sa naturang programa.
Binigyang diin ng House Deputy Majority Leader na ang patuloy na pambabatikos ng ilang kritiko laban sa ayuda program ng pamahalaan ay mangangahulugan lamang na ang napakaraming benepisyaryo nito (ayuda) ang kanilang mape-perwisyo.
Ipinaliwanag ni Dy na hindi maikakaila na libo-libong benepisyaryo ng ayuda program ang nabibiyayaan at nakikinabang sa tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan partikular na ang mga mahihirap na mamamayan mula sa malalayong probinsiya.
Dahil dito, sinabi ni Dy na ang pambabatikos ng mga kritiko laban sa ayuda program ng gobyerno ay katumbas narin ng pagkakait nila ng tulong sa mga mahihirap na mamamayan na tanging umaasa lamang sa tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan para sa kanila.
Umaapela rin ang kongresista sa mga kritiko na tigilan na ang kanilang ginagawang pambabatikos laban sa ayuda at sa halip ay suportahan na lamang nila ang nasabing programa na malaki ang naitutulong sa napakaraming mahihirap na mamamayan.
Nauna rito, lumabas sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather station (SWS) at Pulse Asia Survey na mayorya ng mga Pilipino o 80% hanggang 90% ang nagsasabi na malaki ang naitutulong ng ayuda program sa kanilang pamumuhay.
Ayon kay Dy, ang taongbayan na mismo ang nagsasalita at nagpapahayag ng kanilang suporta para sa ayuda program ng pamahalaan. Kaya dapat lamang na respetohin na lamang ng mga kritiko ang pananaw ng mayorya ng mga Pilipino at tigilan na ang kanilang pambabatikos.
Samantala, bago nag-sine die adjournment ang session ng Kamara de Representantes. Sinabi ng mambabatas na isinapinal na ng Kongreso ang Bases Conversion Development Authority (BCDA) Bill kasunod ng pag-apruba ng Senado sa Senate Bill No. 2647 sa ikatlo at huling pagbasa noong nakalipas na Pebrero 3, 2025.
Sabi ni Dy na inadap ng Mababang Kapulungan ang Senate version bilang amendment sa House Bill No. 8505 kung saan inaasahan na mas magiging madali ang transmittal ng nasabing panukala sa Malakanyang para lagdaan ni President Bongbong Marcos, Jr.