Gatchalian

Dapat tugunan problema sa SHS-VP–Sen. Win

357 Views

HINIMOK ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tugunan ang mga problema sa senior high school voucher program (SHS-VP), kabilang ang mga “ghost student” beneficiaries.

Kasunod ng 2026 annual audit report ng Commission on Audit (COA) sa DepEd na nag-ulat ng kakulangan ng “clearly defined and standardized parameters” sa pag-assess ng kakayahang pinansyal ng mga mag-aaral ang panawagan ni Sen. Gatchalian.

Tinukoy ng COA ang mga kasong may kinalaman sa mga benepisyaryo, tulad ng hindi maipaliwanag na pagliban sa monitoring visit, pagkakalista ng mga pangalan nang higit sa isang beses sa iisang paaralan o sa ibang paaralan at ang pagkakaroon ng status na “enrolled” kahit hindi naman pumapasok sa klase.

Noong 2024, pinangunahan ni Gatchalian ang imbestigasyon na nagbunyag na P7.21 bilyon ang nagastos para sa mga hindi mahihirap na benepisyaryo ng senior high school voucher program para sa School Year 2020–2021.

Matapos ang imbestigasyon, hinimok niya ang DepEd na bigyang-prayoridad ang pinakamahirap na mag-aaral sa pagpili ng mga benepisyaryo ng SHS-VP.

“Nakakadismayang malaman na nagpapatuloy pa rin ang ganitong problema sa pagpapatupad ng senior high school voucher program na dapat sana ay nakakatulong sa mga mag-aaral nating nangangailangan,” sabi ni Gatchalian.