Barbers

Dating adviser ni Duterte pinapa-aresto ng komite ng Kamara

Mar Rodriguez Jul 10, 2024
76 Views

IPINAG-UTOS ng House Committee on Dangerous Drugs ang pag-aresto sa negosyanteng dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong ma-cite in contempt dahil sa umano’y hindi pagdalo sa imbestigasyon kaugnay ng P3.6 bilyong halaga ng shabu na nasamsam sa isang operasyon sa Mexico, Pampanga noong 2023.

Ang naging adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang sinasabing incorporator ng Empire 999 Realty Corp., na nagmamay-ari ng bodega sa Mexico, Pampanga kung saan dinala ang P3.6 bilyong halaga ng shabu.

Kapag naaresto, ang negosyante inaasahang makukulong ng 30 araw sa Bicutan Jail sa Taguig City. Ayon sa rekord, ito ay umalis patungong Dubai noong Mayo 12, 2024.

Ang dating adviser ni Duterte ay na-cite in contempt ng komite na pinamumunuan ni Surigao Del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbres dahil umano sa di pagsipot sa imbitasyon ng komite ni Barbers at pinadalhan na rin ng subpoena noong Hunyo 24

“Since he is not present, pursuant to our rules on Section 11, if I may read, the Committee may punish any person for contempt by a vote of two-thirds of the members present,” ayon kay Barbers.

Sa quorum na 10 miyembro, ipinatupad ng komite ang patakaran at pinagtibay ang mosyon ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano

“Citing the violation committed by (ex-adviser) under Section 11, Paragraph A, for refusing without legal excuse to obey summons and invitations, there is a motion to cite (ex-adviser) in contempt. The motion is duly seconded, and hearing no objection, the Committee is now citing (ex-adviser) in contempt,” dagdag pa ng mambabatas.

Iniutos ni Barbers sa kalihim ng komite na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), sa House Sergeant-at-Arms, sa National Bureau of Investigation, at iba pang mga ahensya ng batas upang ihain ang warrant of arrest laban sa negosyante.

“The committee’s secretary is therefore tasked to coordinate with the PNP, the Sergeant-at-Arms, the NBI, and all other law enforcement units to effect the arrest so that they can be brought here to face this investigation in aid of legislation,” ani Barbers.

Ang nasabing negosyante ay inimbitahan sa pagdinig matapos na matuklasan na isang opisyal ng Pharmally at umano’y kasosyo nito, ay isa sa mga incorporator ng isang kompanya na may kaugnayan sa Empire 999 at iba pang mga kumpanya.

Ayon kay Barbers, ang testimonya ng dating adviser ay mahalaga sa pagbubunyag ng ugnayan ng ilegal na smuggling ng droga na iniuugnay sa Empire 999.

Sa pagdinig nitong Miyerkules, narinig ng komite ang testimonya ni dating Police Colonel Eduardo Acierto, na itinuturo ang dating adviwer bilang parehong indibidwal na kanyang binantayan noong 2017 dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.