Calendar
Dating dumpsite tatayuan ng amphitheater sa Batangas
MAGTATAYO ang Batangas City sa dating dumping site ng amphitheater sa EBD Ecopark at Wildlife Rescue Center, isang open-air venue para sa mga cultural, recreational and community events, sa Brgy. Tinga Labak.
Magkatuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Batangas 2nd District Engineering Office sa proyekto na pinondohan ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr.
Pinangunahan nina Mayor Beverley Dimacuha at Congressman Marvey Mariño ang groundbreaking ng proyekto noong Hunyo 26.
Hangad ng mga stakeholders na maging inspirasyon ang pasilidad sa mga kabataan at susunod na henerasyon dahil sa kabila ng pagiging industriyalisado ng lungsod, napapanatili nito ang pangangalaga ng kalikasan.
Maaari din itong gamitin sa pagtatanghal ng mga local artists at pagdausan ng recognition at graduation ceremony ng mga paaralan.
Ang konstruksyon ng amphitheater ay bahagi pa rin ng rehabilitation program ng dalawang ektaryang lupa na dating dumpsite.
Ang naturang proyekto ay sa ilalim ng Office of the City Environment and Natural Resources Officer (OCENRO).

