Bautista

Dating opisyal ng PAL kinuhang kalihim ng DOTr

188 Views

PINANGALANAN na ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang ilang personalidad na hahawak ng puwesto sa Department of Transportation sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Si dating Philippine Airlines president Jaime “Jimmy” Bautista ang itinalaga ni Marcos na maging Department of Transportation (DOTr) Secretary-designate.

Bukod sa pagtatrabaho sa PAL ng 25 taon, si Bautista ay isang Certified Public Accountant.

Siya ay nagmula sa mababang posisyon sa PAL hanggang sa maging Vice President for Finance mula1993 hanggang 1994, at Chief Finance Officer mula 1994 hanggang 1999. Siya ay naging Executive Vice President rin ng PAL mula 1999 hanggang 2004, at presidente nito mula 2004 hanggang 2012, at mula 2014 hanggang 2019.

Samantala, kinuha naman ni Marcos si dating Light Rail Transit Authority (LRTA) Deputy Administrator Cesar Chavez bilang Undersecretary-designate for Rails of ng DOTr.

Si Chavez ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaparehong puwesto noong 2017. Malaki ang kanyang papel upang maaprubahan ng NEDA Board ang malalaking proyekto sa railway sector gaya ng Metro Manila Subway, PNR Manila to Calamba, PNR Manila to Bicol, at Tagum-Davao-Digos Mindanao rail project.

Siya ay mayroon ding papel upang maidugtong ang LRT Line 1 Monumento station sa MRT 3 sa North Edsa station para maging madali ang paglipat ng mga pasahero.

Si Chavez ay dati ring Assistant General Manager for Planning ng MMDA, chairman ng National Youth Commission (NYC), at youth sector Representative ng 9th Congress.

Samantala, si Atty. Cheloy E. Garafil, ay kinuha naman upang pamunuan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Si Garafil ay kasalukuyang Service Director ng Committee on Rules ng House of Representatives.

Siya ay dating mamamahayag, prosecutor ng Department of Justice (DOJ) at State Solicitor ng Office of the Solicitor General (OSG).

Si Garafil ay mayroong Master’s degree sa National Security Administration na kinuha nito sa National Defense College at isang Philippine Air Force reservist na may ranggong Lieutenant-Colonel.

Kinuha naman ng susunod na administrasyon ang negosyanteng si Christopher “Chet” Pastrana bilang General Manager-designate ng Philippine Ports Authority (PPA).
Si Pastrana ang kasalukuyang pangulo at CEO ng supplies and logistics company na CAPP Industries at chairman ng Archipelago Philippines Ferries Corp. (APFC) na nag-ooperate ng FasCat ferries.