Barbers

Dating Pangulong Digong walang kasiguruhan kung makakadalo sa pagdinig ng Quad Committee

Mar Rodriguez Oct 21, 2024
71 Views

WALANG kasiguruhan kung makakadalo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Quad Committee si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sagutin at magpaliwanag patungkol sa mga kontrobersiyal na usapin na naka-angkla at nakakulapol sa kaniyang nakalipas na administrasyon.

Nauna rito, pinadalhan ng imbitasyon ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ang dating Pangulong Duterte upang humarap sa pagdinig at sagutin ang mga isyu na ikinukulapol laban sa kaniya kabilang na dito ang Extra-Judicial Killing (EJK), ang madugo at brutal na war-on-drugs campaign nito at ang paglaganap ng illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Ayon sa Lead Chairman ng Quad Committee na si Surigao del Norte 2nd Dist. Rep. Robert Ace S. Barbers. Ipinadala na nila ang naturang imbestigasyon sa dating Punong Ehekutibo subalit sa kasalukuyan ay wala pa umano silang natatanggap na tugon o sagot mula kay Duterte kung sisipot ba ito sa pagdinig ng Komite ngayong Oktubre 22.

“We already sent out invititations. Ni-reiterate lamang natin, kasi nga yung dati na pinadala natin, kung hindi ako nagkakamali during our second or third hearing ng Quad Comm, napadala natin ang mga invitations na iyan pero walang tugo mula kay dating Pangulong Duterte. Kaya we reiterated, maaaring hindi natanggap. Kaya ngayon ay nagpadala tayo ulit sa kaniya ng invitation,* wika ni Barbers.

Gayunman, ipinaliwanag ng kongresista na wala pa silang nakukuhang feedback mula sa kampo ng dating Pangulo kung makakadalo ba ito sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat ng House Quad Comm. Kung kaya’t pinadaan nila sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapadala ng imbitasyon para matiyak na natanggap nga ito ni Duterte.

“Wala pa kaming feedback kung natanggap ni Duterte ang invitation kaya we course through the PNP para mapadala ito para mapabilis,” dagdag pa ni Barbers.