Digong

Dating Pangulong Duterte hinamon ang ICC na simulan na ang imbestigasyon laban sa kaniya

Mar Rodriguez Nov 13, 2024
179 Views

Digong1SA ika-11 pagdinig ng House quad committee, direktang hinamon ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang International Criminal Court (ICC) upang simulan na nito sa lalong madaling panahon ang kanilang gagawing imbestigasyon kaugnay sa madugo at brutal na war on drugs campaign, bago man lamang siya pumanaw.

Sa kaniyang pagharap sa patuloy na pagsisiyasat ng quad comm ng Kamara de Representantes, hinamon ni Duterte ang ICC na magpunta na sa Pilipinas para simulan na nito ang imbestigasyon kaugnay sa war against drugs at extrajudicial killings (EJK).

“Come here and start the investigation tomorrow,” aniya.

“I am asking the ICC to hurry up and if possible they can come here and start the investigation tomorrow,” sabi pa ni Duterte.

Ikinatuwiran ni Duterte na matagal nang nakatengga ang usapin kaugnay sa imbestigasyon ng ICC, kaya bago man lamang siya pumanaw ay kailangang umpisahan na ng ICC ang kanilang pagsisiyasat aniya, at baka hindi na nila magawa sakaling mamatay na siya.

“This issue has been left hanging for so many years. Matagal na ma’am. Baka mamatay na ako at hindi na nila ako maimbestigahan,” pahayag ni Duterte.

Ginawa ni Duterte ang nasabing pahayag sa gitna ng malawakang kritisismo laban sa kaniya na iniiwasan nito ang pananagutan para sa libo-libong biktima ng EJK, o ang mga naganap na pagpatay noong nakaraang administrasyon.

Binigyan-diin naman ng dating pangulo na nakahanda siyang magpakulong at mabulok sa bilangguan sakaling mapatunayan ng ICC na siya ay guilty sa mga kasong isasampa laban sa kaniya, kabilang na rito ang crimes against humanity.

“If I am found guilty, I will go to prison and rot there for all time,” sabi pa ni Duterte.