Acierto

Dating police colonel humarap sa Senado, idiniin dating DU30 adviser

Mar Rodriguez Jul 10, 2024
88 Views

HUMARAP si dating Police Colonel Eduardo Acierto sa pagdinig ng House committee on dangerous drugs at idiniin ang dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ipinagbabawal na gamot.

Ang pangalan ng dating adviser ni Duterte ay lumutang sa imbestigasyon ng komite kaugnay ng P3.6 bilyong shabu na narekober sa isang bodega sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon.

Na-cite in contempt din ng komite ang adviser dahil sa patuloy na hindi pagdalo sa mga pagdinig. Ipinag-utos ng komite ang pag-aresto dito.

Sa kanyang opening statement, inilarawan ni Acierto ang kanyang sarili bilang isang anti-drug crusader at dating miyembro ng anti-illegal drug group ng Philippine National Police (PNP).

“Ako din po ang parehong Police Col. Eduardo Acierto na matagal nang pinapahanap at pinapapatay sa militar at kapwa ko pulis,” ani Acierto.

Si Acierto ay nagtatago mula pa noong 2019.

Ayon kay Acierto, ang dating adviser at business partner nito ay malapit umano kay Duterte at sa noon ay Special Assistant to the President.

Sinabi ni Acierto na nadiskubre niya at ni Police Capt. Lito Perote ang ilegal na gawain ng dalawa at kanila itong ini-report. Nawala umano si Perote at pinaniniwalaang patay na.

“Ako po at kasamahan kong si Police Capt. Lito Perote ang nakadiskubre ng mga ilegal na aktibidad at gumawa ng report tungkol kay (dating adviser) at (business partner nito),” sabi ni Acierto.

“Matagal na akong natatakot para sa aking buhay,” dagdag pa nito.

Ipinahayag ni Acierto ang pagkakaroon ng pag-asa sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makamit ang hustisya, lalo na matapos makalaya at mapawalang sala si dating Senador Leila de Lima.

“Nakita ko po sa panahon ni Pangulong Marcos nagkaroon ng hustisya sa kaso ni Sen. Leila de Lima. Nanalangin po ako na sana din magkaroon ng hustisya ang aking kaso,” sabi ni Acierto.

“Hindi po ako protektor ng sindikato ng droga. Hindi ako kidnapper, wala akong ginugot o pinaransom ng drug personalities,” deklara ni Acierto.