Pic4 UP College of Law Asst. Prof. Theodore Te Source: UP College of Law

Dating SC spokesman Te, 4 na trial lawyer sasama sa prosekusyon; Barbers idinagdag bilang tagapagsalita, tagapayo sa impeachment

46 Views

LIMANG karagdagang pribadong piskal ang sasali sa House prosecution panel sa impeachment trial sa Senado laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte, na magdadala ng karanasan sa komunikasyon ng Supreme Court (SC), human rights litigation, tax, criminal law, gawaing lehislatibo at trial advocacy sa team na naghahanda na magpresenta ng ebidensiya sa impeachment court.

Malugod na tinanggap ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pagpasok nina Atty. Theodore O. Te; Atty. Reynaldo B. Robles; Atty. Arnold H. Labay, CPA; Atty. Mae S. Divinagracia; at Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. bilang mga pribadong piskal na tutulong sa House panel, gayundin si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers bilang karagdagang tagapagsalita at tagapayo sa impeachment ng prosekusyon.

“It is our privilege to formally introduce the newest members of the private prosecution panel, as well as the panel’s additional spokesperson and impeachment adviser,” sinabi ni De Lima sa mga mamamahayag sa isang press conference.

“This impeachment trial is not an ordinary legal engagement; it is a constitutional proceeding where preparation, discipline and fidelity to the evidence matter deeply,” aniya sa isang statement.

“We welcome these seasoned lawyers because their experience will help the prosecution present its case clearly, responsibly and with the seriousness that the Filipino people deserve,” dagdag ni De Lima.

Nauna nang pinangalanan ng prosecution panel ang mga sumusunod bilang bahagi ng private prosecution team: Atty. Lorna Kapunan, Atty. Marforth Fua, Atty. James Alih, Atty. Erwin Matib, Atty. Justine Lamarca, Atty. Sonya Benemerito-Castillo, Atty. Deanna Lorenzo-Singian, Atty. Bettina Zamora at Atty. Amando Ligutan Saligal.

Si Te, na nagsilbing chief public information officer ng SC mula 2013 hanggang 2018, ang nangunguna sa mga bagong dagdag sa private prosecutors dahil sa kanyang natatanging kombinasyon ng karanasan sa korte, human rights, edukasyong legal at komunikasyong pampubliko.

Siya ang pansamantalang chairperson ng Free Legal Assistance Group, ang pinakamatandang network ng mga human rights lawyer sa Pilipinas, at isang full-time faculty member ng University of the Philippines College of Law na may ranggong assistant professor.

Nakapaglitis si Te ng mga kaso sa iba’t ibang antas ng hukuman at nakapaglahad ng oral arguments sa Court of Appeals at Korte Suprema hinggil sa mahahalagang isyung konstitusyonal, kabilang ang death penalty at ang Anti-Terrorism Law of 2020.

Kinatawan din niya ang mga mamamahayag sa mga kasong libel at cyberlibel, nagsanay ng mga mamamahayag at tagapagtaguyod ukol sa legal na depensa laban sa defamation at red-tagging, nagsilbing resource person sa usapin ng kalayaan sa pagpapahayag at mga karapatang sibil at politikal, at pinamunuan ang UP College of Law Clinical Legal Education Program.

Si Robles ay ang founding at managing partner ng Chan Robles & Associates at isang practicing lawyer na ang gawain ay sumasaklaw sa criminal at civil litigation, corporate law, election law, labor at employment law, taxation at tax administration, reclamation, at public-private partnership.

Nagsilbi rin siya bilang legal at legislative consultant sa ilang opisyal at institusyon ng pamahalaan, kabilang ang pagiging chief of staff at chief legislative consultant sa Senado, kung saan nakatuon ang kanyang trabaho sa civil service, reorganisasyon ng gobyerno, at mga batas sa pambansang depensa at seguridad.

Si Robles ay nagtamo ng ika-10 puwesto sa 1990 Bar examinations, nagtapos bilang cum laude at valedictorian sa Far Eastern University Institute of Law, at nagturo ng Criminal Law, Administrative at Election Law, at Special Proceedings.

Si Labay ay isang CPA-lawyer at senior partner sa Chan Robles & Associates Law Firm, na may dekadang karanasan sa litigation, law practice, pagtuturo at legal na pagsusulat.

Bago bumalik sa Chan Robles, nagsilbi si Labay bilang managing partner at litigation lawyer sa LAMP o Labay Madamba Piccio Law Offices mula 1997 hanggang Enero 2023.

Nagturo rin siya ng batas sa New Era University at humawak ng Remedial Law Review, Evidence, at Civil Law, at sumulat ng aklat tungkol sa Persons and Family Relations.

Si Divinagracia ay ang managing partner ng Co Nazario Velasco-Catera at Divinagracia Law Offices at may karanasan sa commercial, civil at criminal litigation, arbitration, product liability, corporate rehabilitation, intra-corporate controversies, labor at family law.

Dati siyang nagtrabaho sa Litigation and Dispute Resolution Department ng ACCRALAW at nagturo sa Ateneo de Manila University School of Law, Ateneo de Naga College of Law, at Polytechnic University of the Philippines College of Law.

Nakuha ni Divinagracia ang kanyang Juris Doctor sa Ateneo de Manila University School of Law at kinilala sa mga international moot court competitions, kabilang ang Philip C. Jessup International Moot Court Competition at Asia Cup sa Tokyo.

Si Tolosa, na nagsisilbi na bilang legal spokesperson ng prosekusyon, ay pormal na ring ipakikilala bilang private prosecutor.

Siya ang founding at managing partner ng Tolosa Lim & Chua Law Firm, kung saan pinamumunuan niya ang Litigation and Dispute Resolution Practice at ang mga abogado na humahawak ng mga komplikadong civil, criminal, administrative, at regulatory disputes.

May higit sa 17 taon ng karanasan si Tolosa sa litigation sa mga trial court, appellate court, administrative agencies, at quasi-judicial bodies, na sumasaklaw sa financial crimes, intra-corporate controversies, antitrust, constitutional law, torts, heinous crimes, at contractual disputes.

Idadagdag din si Barbers sa hanay ng mga tagapagsalita ng prosekusyon at magsisilbing impeachment adviser, na magdadala ng dekadang karanasan sa serbisyo publiko, gawaing lehislatibo, at komunikasyong pampubliko sa pangkat na humahawak ng mga update sa impeachment proceedings.

Nagsilbi siya bilang gobernador ng Surigao del Norte, anim na terminong miyembro ng House of Representatives, at bilang chair ng ilang mahahalagang komite ng Kongreso, kabilang ang Committee on Dangerous Drugs at ang makasaysayang Quad Committee.

Sa kanyang mga taon sa serbisyo publiko, tumulong si Barbers sa paghubog ng mga batas hinggil sa pagbubuwis, edukasyon, pambansang seguridad, kaligtasang publiko, at reporma sa pamahalaan.

Kilalang tagapagtaguyod din siya ng transparency, accountability, at responsableng pamamahala, lalo na sa mga imbestigasyon ng Kongreso na may kinalaman sa pondo ng bayan, pagpapatupad ng batas, at mga usaping pambansang interes.

Kilala sa kanyang tuwiran na pamamaraan at malalim na pag-unawa sa pampublikong polisiya, nakuha ni Barbers ang respeto ng mga kasamahan, mga institusyon ng pamahalaan, at ng media sa malinaw at praktikal niyang pagpapaliwanag ng mga komplikadong pambansang isyu.

Ang apat na bagong private prosecutor ay sasama sa umiiral na private prosecution team na tumutulong sa House panel habang naghahanda ang impeachment court sa Senado para sa mismong paglilitis laban kay Duterte.