Warden Supt. Gerardo Padilla

Dating warden ng Davao kinumpirma pagbati ni Duterte matapos magatay 3 Tsino

79 Views

KINUMPIRMA ng dating warden ng Davao Prison and Penal Farm na binati siya ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos na mapatay ang tatlong Tsino na nakakulong dahil sa drogra sa ilalim ng kanyang kustodiya.

Sinabi ito ni Supt. Gerardo Padilla, kasalukuyang tagapamuno ng Directorate for Reformation ng Bureau of Corrections sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, sa isinumite nitong supplemental affidavit noong Setyembre 4.

Ang naturang supplemental affidavit ay sumusuporta sa pahayag ni Leopoldo “Tata” Tan Jr. sa kanyang sinumpaang salaysay noong Agosto 21 kung saan tumawag umano si Duterte matapos pagsasaksakin nina Tan at Fernando “Andy” Magdadaro ang tatlong Tsino gabi ng Agosto 13, 2016.

Ang naturang mga biktima ay sina Chu Kin Tung, alyas Tony Lim; Li Lan Yan alyas Jackson Li; at Wong Meng Pin alyas Wang Ming Ping.

Ayon kay Padilla, nabasa niya ang sinumpaang salaysay ni Tan na nagsabi na dumating si Padilla sa piitan kung saan nila pinatay ni Magdadaro ang Chinese drug lords matapos ang insidente.

Sabi pa sa salaysay na tumawag si Duterte habang siya at si Magdadaro ay nakaposas at naglalakad papunta ng investigation section ng kulungan.

“Pinapatotohanan ko ang sinabi ni Tata na noong papunta kami sa investigation section ay tumunog ang cellphone ko, at ito ay sinagot ko. Ang tumawag sa akin ay si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte at sinabing, ‘Congrats, Superintendent Padilla, job well done. Pero grabe yung ginawa, ginawang dinuguan’,” sabi ni Padilla.

“Pagkatapos akong tawagan in dating Presidente Duterte, sinabihan ko ang mga kasama ko na, ‘Tumawag si Presidente, nag-congrats sa akin’,” dagdag pa niya.

Pag-amin ni Padilla, itinanggi niya ang tawag ni Duterte noong una dahil sa takot para sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya na naninirahan sa Davao City.

“Napilitan lamang ako sabihin sa aking counter-affidavit dated August 27, 2024 na wala akong natanggap na tawag galing kay dating Presidente Duterte for the security and safety of my family and myself,” giit niya.

Sa ikalawang supplemental affidavit na nilagdaan noong Setyembre 9, sinegundahan ni Padilla ang mga salaysay ng dating pulis na si Jimmy Fortaleza patungkol sa kung paano nangyari ang mga pagpatay.

Sabi ni Fortalez, unang linggo ng August 16, tinawagan siya ng noo’y Police Col. Royina Garma para makausap si Padilla. Pumunta aniya siya sa warden’s office para iabot ang telepono kay Padilla ngunit hindi na narinig ang pag-uusap ni Padilla at Garma.

“Ang mga salaysay na ito ni Jimmy M. Fortaleza ay pinapatotohanan ko dahil ito ay talagang nangyari habang ako ay nasa-assign sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016,” sabi ni Padilla

“Habang kami ay nag-uusap ni Col. Royina Garma sa telepono nang mga oras na iyon ay sinabi niya na, ‘Huwag kang makikialam, may mga tao kami diyan sa loob. Alam mo naman na programa ito ni Presidente Durterte sa drug war’,” saad niya

“Ang lahat ng sinabi ko sa salaysay na ito ay karagdagan sa mga nauna kong salaysay. Ang mga ito ay pawang katotohanan lamang at walang sino man ang nagturo o nag-impluwensiya sa akin para sabihin ito,” giit pa niya.

Sinasabing malapit si Garma kay Duterte na siyang nagtalaga sa kaniya bilang Philippine Charity Sweepstakes Office general manager matapos magretiro sa serbisyo.

Isa siya sa mga resource person ng Quad Comm ng Kamara na na-iimbestiga ngayon sa pagkakaroon ng extra-judicial killings, iligal na droga at iligal na operasyon ng Philippine offshore gambling o POGO.