Calendar
Davao del Norte nakatanggap ng P5M mula sa NHA
BINIGAY ng National Housing Authority (NHA) ang P5 milyong tseke sa Talaingod, Davao del Norte para sa Balai Himulayanan housing project kamakailan.
Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ibinigay ni Assistant General Manager Alvin Feliciano ang tseke kay Talaingod Mayor Jonnie Libayao.
Bahagi ang halaga ng pangalawang tranche ng P20-milyong pondo na inilaan ng NHA para sa pagpapatayo ng 100 pabahay para sa mga katutubong Ata-Manobo sa Sitio Lomondong, Brgy. Dagohoy, Talaingod.
Sa ilalim ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP), ibinibigay ng NHA nang libre ang Balai Himulayanan sa mga pamilyang Ata-Manobo bilang benepisyaryo na nagkakahalaga ng P200,000 bawat household.
Samantala, ginanap sa Davao del Sur ang NHA People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-asa sa Municipal Ground, LGU-Magsaysay.
Umabot sa mahigit 1,900 Dabaweñong benepisyaryo mula sa 14 resettlement sites ng Magsaysay Permanent Housing Project ang nakinabang sa iba’t-ibang libreng serbisyo na hatid ng caravan.
Kabilang sa mga nakilahok sa programa ang Department of Health (DOH) at Philippine National Police (PNP) na nagbigay ng free medical mission at gamot.
Nagsagawa naman ng profiling para Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, worker’s association registration at job fair ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Public Employment Services Office (PESO).
Parte rin sa programa ang libreng legal consultation mula sa Public Attorney’s Office (PAO); membership registration, information dissemination ng mga programa at technical assistance ng pagbuo ng kooperatiba at homeowner’s association mula sa PHILHEALTH, Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Cooperative Development Authority (CDA) at Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD); at onsite internet connectivity ng Department of Information and Communication Technology (DICT).
Bahagi ang programa ng pagpapatunay ng pangako ng NHA sa pagsusulong ng mga progresibong komunidad patungong Bagong Pilipinas.
Layunin ng People’s Caravan na direktang maibigay ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga benepisyaryo ng pabahay sa buong bansa.
Nakatakda ang susunod na People’s Caravan sa Don Alfonso Bichara Community Complex sa Daraga, Albay sa Setyembre 12.