Calendar
DBM Sec. Pangandaman inaprubahan P1B para sa disaster-related infra projects
INAPRUBAHAN ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman ang pagpapalabas ng P1 bilyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para gamitin sa mga disaster-related infrastructure projects.
Inilabas ang naturang pondo base na rin sa kahilingan ng DPWH.
“Nang tumama po ang sunud-sunod na kalamidad sa bansa, isa ang DPWH sa mga frontline agencies na naubos ang pondo para sa relief at rehabilitation efforts. Kaya po, noong mag-request ang DPWH ng dagdag pondo, agad po natin ‘yang ginawan ng paraan,” paliwanag ni Pangandaman.
“As directed by President Bongbong Marcos, we shall continue to ensure that we provide needed support to crucial initiatives aimed at mitigating the impact of natural calamities. Malaking bagay po itong dagdag na pondo para maipagpatuloy ‘yung rehabilitation and restoration efforts ng DPWH, so that we can have efficient and more resilient infrastructure,” dagdag pa niya.
Inaprubahan ni Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) noong Nobyembre 27, 2024. Ang nasabing SARO ay valid for obligation hanggang sa Disyembre 31, 2025.
Para sa taong ito, kabuuang P22.736 bilyon ang inilaan para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF).
Sa naturang halaga, ang P22.479 bilyon ay inilaan sa mga ahensiya ng pamahalaan kabilang ang DPWH, Department of Social Welfare and Development, Department of Human Settlements and Urban Development, Department of National Defense, Department of Finance, Department of Agriculture, Department of the Interior and Local Government at iba pang government-owned and -controlled corporations, hanggang Nobyembre 28, 2024.
Ang P13.888 bilyon naman ay inilagak upang dagdagan ang mga pondo ng Quick Response Fund ng mga nasabing ahensiya.
Gagamitin ang NDRRMF para sa aid, relief at rehabilitation services sa mga nasalantang lugar, maging sa rehabilitasyon at reconstruction works na may kaugnayan sa mga natural calamities na tumama sa komunidad hanggang sa nagdaang dalawang taon.