WOD

DDS, detalye ng reward system sa war on drugs inilahad ni Garma

94 Views

KINUMPIRMA ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager at retired Police Col. Royina Garma ang operasyon ng Davao Death Squad (DDS) at isiniwalat ang iba pang detalye ng reward system ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Sa kanyang supplemental affidavit na isinumite sa House quad committee na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga noong nakaraang administrasyon, nagbigay si Garma ng personal na salaysay ukol sa marahas na mekanismong nasa likod ng kontrobersyal na war on drugs ni Duterte.

Kinumpirma ni Garma, na naitalaga sa Davao City Police mula noong 1997, ang pagkakaroon ng DDS, isang grupo na itinuturong nasa likod ng mga pagpatay sa panahon ng panunungkulan ni Duterte sa lungsod.

Sinabi ni Garma na isang open secret ang DDS na iniiwasan umanong pag-usapan ng mga pulis sa Davao.

“I became aware of the so-called ‘Davao Death Squad’ through various sources during my assignment in Davao,” sabi ni Garma sa kanyang affidavit.

“It was common knowledge among officers that almost all station commanders had special teams designated for specific operations. Although I did not know the identities of these teams, a culture of silence prevailed among police officers in Davao regarding such matters,” aniya.

Dagdag pa niya na ang “culture of silence” sa DDS ay umabot hanggang sa mga operasyon ng pulisya, kung saan walang kumukuwestyon at umuusisa sa mga pagpatay.

Sa kanyang naunang sinumpaang salaysay na binasa sa pagdinig ng quad committee noong Oktubre 11, tuwirang inakusahan ni Garma si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagsagawa ng isang pambansang kampanya laban sa droga na nagresulta sa libu-libong kaso ng EJK ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.

Ang sinumpaang salaysay ay hindi lamang nagbunyag ng diumano’y reward system sa mga pagpatay, kundi nagdetalye rin sa mga papel nina Duterte at ng kanyang malapit na aide na si Sen. Christopher “Bong” Go sa pangangasiwa at pagmamando sa mga operasyon kontra droga.

Ayon pa kay Garma, ang mga cash reward para sa mga pagpatay sa mga drug suspect ay mula P20,000 hanggang P1 milyon, depende sa target.

Sa kanyang karagdagang sinumpaang salaysay na may petsang Oktubre 22, inilarawan ni Garma ang kanyang mga personal na karanasan ukol sa reward system habang siya ay station commander sa Sasa at Sta. Ana mula 2012 hanggang 2016.

Isa aniya sa operasyon ay naganap sa Brgy. Malagamot, Davao City, noong 2012.

Sinabi ni Garma na nakatanggap siya ng tawag mula kay Police Lt. Col. Padua, isang intelligence officer ng noon ay Davao City Police chief Ronald “Bato” Dela Rosa, na ipinaalam sa kanya ang isasagawang operasyon.

Makaraan ang ilang oras, nalaman ni Garma ang pagpatay sa isang lalaking suspek.

Naging kakaiba aniya ang operasyon, dahil sa cash reward sa mga pulis na nakapapatay sa suspek.

“From that operation, I received P20,000 from Sgt. Suan provided by Boy Alce,” banggit pa niya, na tumutukoy sa isang indibidwal na tumulong sa pamamahagi ng mga pabuya sa mga opisyal.

Ikinuwento rin ni Garma ang pagkamatay ng isang kilalang lalaking adik at nagtutulak ng droga malapit sa GT Gasoline Station sa Panacan, Davao.

“I remember this person because, in the morning of the day of his death, the duty desk officer informed me that he went to my office and left an image of the Holy Family, to tell my men that he just went to mass and was very happy,” sabi ni Garma. “A few hours later, he was dead.”

Nang nagtanong si Garma tungkol sa insidente, sinabi sa kanya ng isang Police Staff Sgt. Suan na ang pagpatay ay ikinoordinate ni Alce. “There was never any clearance from my office for this operation, nor was my office informed of it,” saad pa nito.

Sinabi rin ni Garma na ang mga police commander ay pinagsusumite ng ulat tungkol sa mga matagumpay na operasyon sa pagtatapos ng bawat buwan.

Aniya ang mga ulat na ito ay kinakailangan para ma-reimburse ang mga gastos sa operasyon, kabilang ang mga gastos tulad ng buy-bust money at gasolina.

“At the end of each month, all station commanders were required to submit reports documenting successful police operations to the LGU of Davao,” paliwanag ni Garma.

“These reports included details of cases filed in the Office of the Prosecutor and other relevant information concerning the operations.”

Para sa bawat kaso, sinabi ni Garma na ang mga hepe ay nire-reimburse ng P5,000 na pinangangasiwaan ni “Muking.”

“The disbursement of these funds occurred monthly through Irma Espino, aka ‘Muking,’ and we were required to sign documents acknowledging receipt of payment,” ayon kay Garma.

Sa nakalipas na pagdinig, tinukoy si Muking bilang si Irmina Espino, isang staff sa tanggapan ni Go sa Davao City Hall.

Si Espino ay naging assistant secretary sa Malacañang nang italaga si Go bilang Special Assistant to the President.

Ipinahayag din ni Garma sa kanyang sinumpaang salaysay na ang mga pabuya para sa mga pagpatay ay mas tumaas.

“For the deaths of suspects, Sonny Buenaventura provided direct payments of P20,000 to station commanders, with no signed documentation required,” ayon pa kay Garma.

Pinagtibay ni Garma ang katotohanan at bisa ng kanyang mga pahayag upang magbigay ng impormasyon sa imbestigasyon ng House mega-panel na binubuo ng committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts.