tenni Nagkampeon si Mikaela De Guzman sa women’s singles ng MVP 2nd Badminton Cup. Contributed photo

De Guzman, Pedrosa nagpasikat sa MVP Cup

Theodore Jurado Feb 27, 2022
502 Views

NANGUNA si Mikaela De Guzman sa women’s singles, habang bumandera si Ros Pedrosa sa men’s singles sa pagwawakas ng MVP 2nd Badminton Cup noong Biyernes ng gabi sa Olympic Badminton Center sa Pasig.

Nasiyahan si De Guzman sa kanyang ipinakita makaraang walisin si Jaja Andres sa finals, 21-14, 21-17.

“At first, I prepared mentally for this tournament myself with the help of my coaches in the national team, and of course, coach Kennie Asuncion because this is my first time playing again this year.” sabi ni De Guzman, na dating UAAP Rookie of the Year winner.

“Ang tagal din magka-tournament uli, so I had to prepare my mindset,” dagdag pa ng Ateneo standout.

Kinailangan naman ni Pedrosa ng isang oras at 20 minuto upang maungusan si Jewel Angelo Albo, 16-21, 21-15, 21-16, sa thrilling finale.

Idiniin ng produkto ng National University ang veteran experience at game management na siyang susi sa pagkuha uli ng titulo.

“Kahit kahapon marami rin po akong learning. Hindi rin akong basta-basta nanalo at yun yung nagtulak sa akin gawin yung best ko rin ngayon dahil sa nangyari rin kahapon,” sabi Pedrosa.

Batay sa ipinamalas ng dalaWang Smash Pilipinas mainstays, nagalak si national coach Rosman Razak sa kinalabasan ng torneo.

Ang three-day competition ay kasama sa national team build-up para sa 31st Southeast Asian Games sa May.

“I think it’s a great tournament for the players because it was so long after their last competition, really happy for the players,” sabi ng Malaysian mentor.

“It is now time for them to have a tournament and have a good showing.”

Nanalo naman sina national team members Thea Pomar at Nicole Albo sa women’s doubles, na tinuldukan ang torneo na walang talo sa pamamagitan ng 21-15, 21-8 pagdispatsa sa University of the Philippines’ standouts Lea Inlayo at Susmita Ramos final.

Dumaan naman sina NU standouts Solomon Padiz Jr. at July Villabrille sa butas ng karayom bago talunin si veteran internationalist Paul Pantig at ang kanyang bagong partner na si Christian Bernardo 21-13, 19-21, 22-20, sa men’s doubles final.

Pumangatlo naman si Anthea Gonzales sa women’s singles sa pamamagitan ng walkover win laban kay injured Sarah Barredo, habang pinatalbog ni Rabie Oba-ob si Mark Anthony Velasco sa third-place playoff sa men’s singles, 21-13, 21-19.

Sa women’s doubles, nakuha nina Jochelle Alvarez at Andrea Hernandez ang ikatlong puwesto matapos manaig laban kina Althea Fuentespina at Aubrey Masongsong, 21-15, 21-17.

Ibinigay naman kina Alvin Morada at James Villarante ang walkover win kontra kina JM Bernardo at Michael Clemente upang makumpleto ang podium finishers sa men’s doubles.