Delima1 NANUMPA – Si dating Senador Leila De Lima at ang founder ng Program Paghilom na si Father Flavie Villanueva ay nanumpa na ihahayag ang katotohanan sa ikasiyam na pagdinig ng quad committee sa People’s Center sa House of Representatives umaga ng Martes. Kuha ni VER NOVENO

De Lima: ‘Davao Death Squad’ ginamit na model ng nationwide Duterte drug war

75 Views

KUMBINSIDO si dating Sen. Leila de Lima na ang Davao Death Squad (DDS) ang pinagmulan ng war on drugs campaign na ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa buong bansa na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong Pilipino.

Ang testimonya ni De Lima ay mistulang pagkumpirma sa sinabi ni dating Police Col. Royina Garma na ipinatupad ni Duterte ang Davao model anti-illegal drug campaign sa buong bansa noong kanyang panunungkulan bilang Pangulo.

Sa kanyang pagharap sa House quad committee na nag-iimbestiga sa mga extrajudicial killing (EJK) sa pagpapatupad ng madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon, sinabi ni De Lima na ang DDS ay mayroon ding reward system o binibigyan ng pabuya ang mga nakakapatay ng drug suspect.

Sinabi ni De Lima na ang DDS ay mayroong dalawang yugto. Ang una ay mula 1988 hanggang 1998, kung kailan si Duterte ay alkalde ng Davao.

Sa panahong iyon, ang mga hit man — na binubuo ng mga dating rebelde at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) — ay binabayaran ng P15,000 para sa bawat pagpatay. Ang P5,000 ay napupunta sa mga police handler, habang ang P10,000 ay pinaghahatian ng mga hit man.

“Their safe house was located inside the NAPOLCOM compound in Brgy. San Pedro, Davao,” sabi ni De Lima. “After the summary execution of targeted victims, the DDS members regrouped at their safe house and divide the reward.”

Idinetalye rin ni De Lima ang direktang papel ni Duterte sa operasyon. “Duterte sometimes personally gave out the kill orders and the reward money directly to the assassins themselves,” aniya.

Ang ikalawang yugto ay mula 2001 hanggang 2016, kung saan ang DDS ay naging isang opisyal at organisadong grupo — ang Heinous Crimes Investigation Section (HCIS) — na nasa ilalim ng Davao City Police Office.

Sa pagkakataong ito, ang pabuya ay P13,000 hanggang P15,000 sa bawat pagpatay, kung saan napupunta ang P3,000 hanggang P5,000 sa police handlers, habang ang nalalabing halaga ay pinaghahatian ng mga “abanteros” o hit men na karamihan ay mga dating rebelde.

“A team of one PNP handler and three civilian ‘abanteros’ was given an average of three targets every month,” saad ni De Lima.

Ayon kay De Lima, pinalawig ang DDS-type na anti-illegal drug campaign sa buong bansa nang maging Pangulo si Duterte.

Sinabi ni De Lima na ang mga pinagkakatiwalaang opisyal ni Duterte mula sa Davao, na kinabibilangan ni dating PNP chief na ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ay itinalaga sa mga pangunahing posisyon sa malalaking lungsod upang pangunahan ang kampanya ng mga pagpaslang sa ilalim ng kampanya laban sa droga.

“Duterte used the Davao system of barangay-based lists of victims,” ayon pa kay De Lima. “Barangay officials were required to identify drug offenders in their communities who were then targeted in riding-in-tandem operations by death squads and official ‘nanlaban’ operations conducted by the PNP.”

Binigyan diin ni De Lima na ang imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) sa DDS, na isinagawa noong 2009, ay napakahalaga sa pag-unawa kung paano nag-ooperate ang mga death squad ni Duterte.

“The CHR investigation provides crucial insight into how Duterte organizes his death squads using active police officials as their leaders,” paliwanag pa ni De Lima, na noo’y chairperson ng CHR, ang unang nagsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa DDS.

Ang imbestigasyon ay nagbigay linaw din sa sistema ng insentibo para sa mga death squad, na nagbunyag kung paano ginamit ang confidential at intelligence funds upang pondohan ang mga logistics at pabuya sa mga pumapatay ng drug suspect.

Isa sa pangunahing pahayag sa testimonya ni De Lima ay ang pagbubunyag sa istraktura ng organisasyon ng DDS, kasama ang papel ni Duterte bilang diumano’y utak ng operasyon.

Ayon kay De Lima, ang DDS ay hindi basta-bastang grupo ng mga mamamatay tao kundi isang “structured state-backed death squad.”

“Most of our unofficial findings in the CHR investigation were eventually confirmed by Edgar Matobato and Arturo Lascañas,” paliwanag ni De Lima, na tumutukoy sa mga dating kasapi ng DDS na nagpatunay tungkol sa operasyon ng grupo.

Ang self-confessed hit man na si Matobato ay hayagang ibinunyag ang operasyon ng DDS noong 2016. Ang kanyang testimonya ay pinagtibay din ni Lascañas, isang dating mataas na opisyal ng pulisya na kalaunan ay lumantad upang patunayan ang pagkakaroon ng DDS at ang mga pamamaraan nito sa operasyon.

Si Lascañas ay nagsumite ng detalyadong 186-pahinang affidavit sa International Criminal Court (ICC), na inilarawan ni De Lima bilang “pinaka-komprehensibong ulat tungkol sa DDS mula sa pagkakatatag nito noong 1988 hanggang 2016.”

Sa affidavit, tinukoy ni Lascañas si Duterte — na may code name na “Superman”— bilang lider at utak ng DDS.

“MRRD (Mayor Duterte) alias Superman was the highest leader and mastermind of the DDS,” ayon pa kay De Lima na direktang nag-uugnay sa dating pangulo.

Tinukoy din sa affidavit si SPO4 Sanson Buenaventura bilang logistics at finance officer na humawak sa clearance para sa mga operasyon ng death squad, at si SPO3 Arturo Lascañas bilang pangkalahatang lider ng grupo para sa mga operasyon at pagpaplano.

Sinabi pa ni Lascañas na ang pondo para sa cash incentives at gastusin ng death squad ay mula sa “Peace and Order” o “Intel Fund” ng tanggapan ng dating pangulo.

Ang pondong ito ay nagbigay ng lingguhang allowance para sa gasolina, buwanang cash stipend at iba pang insentibo para sa mga hit man na nakatalaga sa pagpagpatay ng mga malilit na kriminal at mga high-value target.

“In so-called ‘special project’ killings, they were rewarded anywhere from P100,000 to P1 million depending on the status of the target,” ayon kay De Lima, patungkol sa affidavit ni Lascañas.

Ang estrukturang ito, na pinangangasiwaan ni Duterte na kilala bilang “Superman,” ay mahalaga sa pagpapalawak ng modelo ng DDS sa buong bansa nang maging pangulo si Duterte.

Kinumpirma ni Lascañas na ang DDS ay may mga mass grave, kabilang ang Laud Quarry at ang Mandug site, kung saan itinatapon ang mga labi ng mga biktima — isang detalye na pinagtibay ng iba pang testimonya ng imbestigasyon ng Senado.

Sa kanyang testimonya, binanggit din ni De Lima ang affidavit ni Garma, na iniharap sa nakaraang pagdinig, na naglalarawan ng isang katulad na sistema ng gantimpala.

Ayon kay De Lima, si Garma ay naging malapit na katuwang ng DDS kahit bago pa man ang 2016.

Ang ugnayan sa pagitan ng Davao model at ng pambansang war on drugs ni Duterte ay mahalaga upang maunawaan kung paano nabibigyan ng pabuya at naisagawa ang mga EJK sa mas malawak na antas.

Hinimok ni De Lima ang mga mambabatas na isaalang-alang ang mga natuklasan ng CHR at ang mga testimonya nina Matobato at Lascañas bilang mahalagang ebidensya.

Binigyang diin niya na kinakailangang makamit ang katarungan para sa libu-libong biktima na EJK sa giyera kontra droga ni Duterte. Marami sa kanila ay naging target batay sa mga listahan ng barangay at pinatay kapalit ng makukuhang pabuya.