De Lima

De Lima handang makipagtulungan sa ICC probe

164 Views

ANG madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay replica umano ng mga pagpatay na ginawa ng Davao Death Squad (DDS) na inimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR).

Ayon kay dating Sen. Leila De Lima lumabas sa imbestigasyon ng CHR na ang operasyon ng DDS ay pinondohan ng confidential funds ni Duterte noong siya ang alkalde ng lungsod.

Sinabi ni De Lima na ang impormasyong ito ay bahagi ng testimonya at rebelasyon nina Edgar Matobato at Arturo Lascañas at ilang pang resource persons na naka-usap ng CHR. Si De Lima ay dating chairperson ng CHR.

“The drug war killings were just a replication of the DDS killings that we investigated in 2009. It would be very useful to take a look at that and make it a reference to the findings now in whatever findings that the ICC investigation team had gathered,” ani De Lima.

Nagpahayag ng kahandaan si De Lima na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong war on drugs ng Duterte administration.

Sinabi ni De Lima na ang ginawang imbestigasyon ng CHR noong panahon nito ay makatutulong din sa imbestigasyon ng ICC.

Bukod sa pagsasalita sa CHR, sina Montalbo at Lascañas ay humarap din sa pagdinig ng Senado. Nabalam naman ang imbestigasyon ng Senado dahil inalis si De Lima bilang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

Kapwa umamin sina Matobato at Lascañas bilang dating miyembro ng Davao Death Squad.

Sinabi ni De Lima na organisado ang DDS at ginagamit umano ang intelligence fund sa pagpatay, reward system, iba pang operasyon ng organisasyon, at paggamit sa mga pulis.