Delima QUAD COMM – Si dating Senador Leila De Lima sa ikasiyam na pagdinig ng Kamara de Representantes tungkol sa extrajudicial killings, Martes ng umaga sa People’s Center sa House of Representatives. Kuha ni VER NOVENO

De Lima hangad agad na paggaling ni Duterte para maharap mga alegasyon

72 Views

HANGAD ni dating Sen. Leila de Lima ang agad na paggaling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang magkaroon ng lakas na harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Well, I hope he gets well na so he would have the health to face the music. So sana, kay dating Pangulong Duterte, sana gumaling na kayo, magpagaling po kayo para meron kayong lakas na harapin ang lahat,” ani De Lima, na pinawalang-sala ng korte sa mga drug case na isinampa noong administrasyong Duterte.

Si De Lima ay dumalo sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes at nagbigay ng testimonya kaugnay ng extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Inimbita ng komite si Duterte subalit hindi ito dumalo.

Sa isang sulat na ipinadala ng kanyang abogado na si Atty. Martin Delgra III sa komite, na pinamumunuan ni Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, sinabi na hindi umano maganda ang pakiramdam at kailangang magpahinga ni Duterte.

Maaari umanong humarap si Duterte sa pagdinig ng komite matapos ang Nobyembre 1.

Si Delgra ay ang dating chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board noong administrasyong Duterte.