Vic Reyes

De Lima kinumpirma EJK, pabuya sa drug war ng dating admin

Vic Reyes Oct 27, 2024
107 Views

ISANG magandang araw sa ating mga mambabasa at mga kababayan natin sa Japan.

Nawa’y pagpalain tayong lahat ng Panginoong Diyos.

Nagpapasalamat sina Pastor Pong Clemente at Pastora Ella Clemente ng Family Christian Church, California sa succesfull Bible encounter event na ginanap sa Bacolod City at Balanban, Cebu.

Binabati naman ni La Dy Pinky ang JN- HOPE & FAITH Fashion shop ng Davao City.

Binabati rin natin ang mga taga-Japan na sina: Teresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Hiroshi Katsumata, Shigeki Tani, Winger dela Cruz at Lovely Ishii.

At siyempre ang kaibigan nating si Sol Espiritu ng Cavite.

***

Humarap si dating Senadora Leila De Lima sa House Quad Committee upang ilahad ang kanyang kaalaman ukol sa mga extrajudicial killings noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. At upang ibahagi sa publiko ang pang-uusig na kanyang naranasan mula kay Duterte.

Kinumpirma ni Leila De Lima ang testimonya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma.

Ito ay nagbigay ng bagong liwanag sa pagkakaroon ng tinaguriang “Davao Model” at reward system na diumano’y umiiral noong kasagsagan ng kampanya kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang “Davao Model” ay nakabatay umano sa isang sistema ng gantimpala, na naghihikayat sa mga pulis na magsagawa ng agresibong operasyon laban sa droga kapalit ng bayad. Sa ilalim nito, nagbibigay ng gantimpala batay sa bilang ng mga drug suspect na naaresto o napatay sa mga operasyon. Ang sistemang ito ay nagmula sa Davao City at binuo ni Duterte noong siya ay alkalde pa lamang.

Si Duterte, sa pamamagitan ng mga tiwaling pulis, ay nag-organisa umano ng isang espesyal na task force na kilala bilang Davao Death Squad upang magsagawa ng mga pamamaslang. May sistema ang mga impormante at mga hitman upang ipatupad ang mga operasyon. Ang mga impormante ang magbibigay ng impormasyon ukol sa mga hinihinalang personalidad ng droga habang ang mga hitman ang magpapatupad ng pamamaslang. Ang mga high-profile na pamamaslang ay binibigyan ng gantimpala na P500,000.00 hanggang P1,000,000.00. Para naman sa mga karaniwang drug suspect ay binibigyan ng premyong mula P20,000.00 hanggang P50,000.00.

Kinumpirma ng dating Senadora De Lima ang testimonya ni Garma ukol sa Davao Model.

Ibinunyag ni De Lima na noong siya ay pinuno ng Commission on Human Rights, nakatanggap siya ng iba’t ibang testimonya mula sa mga saksi ukol sa reward system. Pinatutunayan ng testimonya ni Leila De Lima ang pagkakaroon ng reward system, at ang mga ebidensya laban kay Duterte ay patuloy na lumalakas.

Si Leila De Lima, na kritiko ni Duterte at ng kanyang kampanya kontra droga, ay inakusahan ng pagkakasangkot sa kalakaran ng droga noong siya ay kalihim ng Department of Justice mula 2010 hanggang 2015. Ang mga akusasyon ay nauwi sa kanyang pagkakakulong mula 2017, matapos magpatotoo ang ilang mga saksi—karamihan ay mga nahatulang drug traffickers—na umano’y nakinabang siya sa kalakaran ng droga sa loob ng New Bilibid Prison. Subalit, sa katotohanan, ginamit ni Duterte ang kanyang kapangyarihan bilang pangulo upang ipiit nang labag sa batas ang isa sa kanyang pinakamakapangyarihang kritiko.

Malawak ang kaalaman ni De Lima ukol sa madugong kampanya kontra droga ni Duterte at dahil dito, naramdaman ng dating pangulo ang banta, na naging sanhi ng pagkakakulong ng dating senadora.

Gayunpaman, ang maipapakita lamang ni Duterte ngayon ay ang nawala niyang tapang. Ang kaya lamang niyang gawin ay mag-ingay at magsinungaling sa publiko na handa siyang harapin ang imbestigasyon ng Quad Comm. Muli siyang hindi sumipot, na nagpapatunay sa sentimyento ng publiko na si Duterte ay isang duwag. Ang kanyang reward system ang nagdulot ng walang saysay na pagpatay sa libu-libong indibidwal noong panahon ng kanyang pamumuno, at ang tanging makabubuti sa publiko ay ang pagdalo niya sa mga pagdinig ng Quad Comm upang sagutin ang mga isyung kinakaharap niya.

(Para sa inyong pagbati at komento, mag-text sa +63 9178624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)