Calendar
Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima
De Lima: Mga alegasyon vs VP Sara seryoso, dapat imbestigahan

SERYOSO ang mga alegasyong inihain ni Ramil Lagunoy Madriaga laban kay Vice President Sara Duterte at dapat masuri ng Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ), ayon kay Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima.
Sinabi ni De Lima, na isang abogado at dating kalihim ng DOJ, ang kanyang pahayag ay batay sa personal na kaalaman dahil na-interview niya mismo si Madriaga ― na dating aide ng pamilya Duterte ― sa loob ng selda nito sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Bicutan, Taguig City.
Ang mga pahayag ni Madriaga ay nararapat na isailalim sa maingat at independiyenteng imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensiya, ani De Lima.
Binigyang-diin niya na dapat itong suriin alinsunod sa mandato ng Ombudsman at DOJ.
“Ang gusto ko rin sabihin dito ay since seryoso itong mga alegasyon na ito, then it is worth looking into, for example, by the Office of the Ombudsman,” sinabi ni De Lima.
Tinukoy ni De Lima ang nilalaman ng sinumpaang salaysay ni Madriaga na notaryado noong Nobyembre 29, na nakuha niya mahigit isang linggo na ang nakalipas at kumalat na online.
Ayon kay De Lima, nakasaad sa affidavit na ang kampanya ni Duterte noong 2022 ay diumano’y pinondohan gamit ang pera mula sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at mga drug dealer.
Sa parehong dokumento, sinabi rin ni Madriaga na siya mismo ang nagsilbing courier ng Bise Presidente, na umano’y naghatid ng malalaking halaga ng salapi.
Ayon kay De Lima, nakapanayam niya si Madriaga nang halos dalawang oras noong Disyembre 8 sa BJMP facility, sa presensya ng kanyang abogado na si Atty. Raymund Palad.
“I received a copy of the affidavit at siyempre nakita ko, napaka-sensitibo, napakabigat ng kanyang mga akusasyon laban, hindi lang laban kay VP Sara kundi mayroon din siyang mga sinasabi tungkol sa dating Pangulo,” ani De Lima.
“Mayroon siyang nabanggit na mga personalidad, mayroon siyang nabanggit na mga alleged delivery of big sums of money, mga duffle bags, ’yong mga nasa sasakyan na tinu-turnover,” dagdag ni De Lima.
“That’s the most that can be done at this point, the appropriate body whether it’s the DOJ, NBI (National Bureau of Investigation), Ombudsman, tingnan nila, busisiin nila itong mga akusasyon na ito kasi seryosong mga akusasyon ito kasi tungkol sa POGO funding the candidacy of VP, drug money allegedly funding the candidacy of VP Sara,” saad pa ni De Lima.
Binigyang-diin ni De Lima na bagama’t may mga tanong tungkol sa kredibilidad ng tao, dapat suriin ang mga pahayag batay sa kanilang merito, at ihiwalay kung sino ang nagsasalita sa kung ano ang sinasabi.
Aniya, “Kailangan din po itong imbestigahan kasi napakaseryoso ng mga alegasyon. Like I said, I’m reserving my judgement…kasi ang ano dito, again, is about the credibility. Credibility of the person and the credibility of the story. There may be issues on the credibility of the person, but what about the story?”
“Kasi ang nakikita ko…sa tingin ko, doon sa information din through the counsel is na-establish in a satisfactory manner ’yung kanyang relationship sa mga Duterte, kay VP Sara,” dagdag niya.
Sinabi ni De Lima na nakita niya ang tinukoy niyang “evidence” sa limitadong oras ng panayam kay Madriaga.
Dagdag pa ni De Lima, nangakong maghahain si Madriaga ng karagdagang ebidensiya sa mga susunod na araw upang patunayan ang mga pahayag sa kanyang affidavit.
“Mayroon siyang parang, parang may mga pinakita na mga ebidensiya ng kanyang koneksiyon kay VP Sara and the Dutertes. Mas una nga niya nakilala ’yung dating Pangulo kasi siya ang nagpakilala, ang dating Pangulo, kay VP Sara…no’ng mayor pa si VP Sara,” aniya.
“So in my view, as to the subject or the issue of his connection to the Dutertes, mukha namang mayroon siyang pinapakita na batayan. Pero ang hinihintay ko, ang gusto kong makita, is ’yung supporting proof no’ng kanyang akusasyon,” saad ni De Lima.
Sinabi ni De Lima na patuloy pa rin ang kanyang pag-validate sa nilalaman ng affidavit ni Madriaga.
“Ongoing po ang aking validation of his claims, but I’m very interested about the supporting proof,” aniya.

