Calendar

Demolisyon sa Tondo pinaiimbestigahan ni Valeriano sa Kamara
HINIHILING ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano sa Kamara de Representante ang pagsasagawa nito ng isang malalim na imbestigasyon na pangungunahan ng House Committee on Housing and Urban Development kaugnay sa demolisyon na naganap sa Mayhaligue, Tondo, Manila.
Sa pamamagitan ng kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kongreso, mariing binatikos ni Valeriano ang nangyaring demolisyon sa Barangay 262 at Barangay 264 kung saan tinangkang gibain ang daang-daang kabahayan sa nasabing lugar.
Nagpahayag din ng pagdududa ang kongresista sa tunay na motibo ng demolisyon sa Mayhaligue, Tondo sapagkat matagal na aniyang walang nagkaka-interes sa nabanggit na lupain mula ng ito’y tirikan ng mga kabahayan noong 1950s.
Naniniwala si Valeriano na walang malinaw na notice na ibinigay sa mga residente tungkol sa magaganap na demolisyon.
Pagbibigyan diin pa ng Manila solon na wala rin sapat na relokasyon inilatag para sa mga residente.
Dagdag pa ni Valeriano na wala rin clearance mula sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) gaya ng itinatakda ng Republic Act No. 7279 o ang Urban Development Housing Act at Executive Order No. 152 Series of 2002.
“Mr. Speaker, hinihiling ko sa Kapulungang ito ang pagsasagawa ng isang malalim na Congressional inquiry sa pangyayaring ito. Hindi lang ito isyu ng Mayhaligue, Tondo. Ito ay usapin ng batas, hustisya at karapatang pantao,” wika ni Valeriano sa kaniyang talumpati.