Cimatu

DENR tututukan mga protektadong lugar

564 Views

ANG pagtugon sa iligal na pag-okupa sa mga protektadong lugar sa bansa ang tututukan ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa patuloy na pagsisikap nitong mapangalagaan ang mga nasabing lugar.

Inamin naman ni DENR Secretary Roy A. Cimatu na kanilang inabuso ang mga protektadong lugar na ito.

“Ang matagal ng problema ng mga iligal na naninirahan ay ang sanhi kung bakit ang mga lugar na ito ay madumi at nasisira,” saad ni Cimatu sa naganap na taunang Expanded Executive Committee Conference kasama ang mga opisyal ng DENR.

Isinasaalang-alang din ng DENR ang pagkuha ng mga security personnel o “blue guards” upang mapigilan ang mga indibidwal na iligal na okupahin ang mga protektadong lugar sa pamamagitan ng mga field office nito, kabilang ang Biodiversity Management Bureau (BMB) na nangangasiwa sa administrasyon at pamamahala nito sa pambansang antas.

Sa pagsasabatas ng Republic Act (RA) 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS) Act of 2018, 94 ang idinagdag sa listahan ng mga protektadong lugar na nakasaad sa batas, na umabot sa 107 ang kabuuang bilang.

Ang mga pampublikong lupain na nakapaloob sa mga protektadong lugar na ito ay inuri bilang mga pambansang liwasan sa ilalim ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.

“Pinag-aaralan namin ang posibilidad na kumuha ng mga blue guards sa mga lugar na ito upang maprotektahan sila mula sa mga iligal na naninirahan,” sabi pa ni Cimatu, at idinagdag na ang Upper Marikina River Basin Protected Landscape ay isa sa mga prayoridad na lugar.

Plano rin ng DENR na humingi ng tulong ang sa Forces of the Philippines at Philippine National Police upang paigtingin ang seguridad sa mga protektadong lugar na ito.

Nakasaad sa batas na ito, “mahigpit na ipinagbabawal ang pag-okupa o paninirahan sa anumang pampublikong lupain sa loob ng isang protektadong lugar nang walang clearance mula sa kinauukulang Protected Area Management Board.”

Ang mga lalabag sa NIPAS Act ay pagmumultahin ng P200,000 hanggang P1 milyon o pagkakakulong ng isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon, o pareho.

Samantala, sinabi naman ni BMB OIC Director Natividad Bernardino na patuloy na ipinapatupad ang mga hakbang upang mabisang pamahalaan ang mga protektadong lugar sa bansa.

“Pinapabilis namin ang kumpletong demarkasyon ng lahat ng legislated protected areas upang itakda ang kanilang mga final boundaries, kabilang ang pagbuo ng Protected Area Management Office o PAMO,” saad ni Bernardino.

Ang demarkasyon ng mga protektadong lugar ay alinsunod sa mga probisyon ng ENIPAS Act at ginagabayan ng DENR Administrative Order No. 2015-10, na sinuplementahan ng BMB Technical Bulletin No. 2019-01.

Ayon kay Bernardino, ang DENR-BMB ay mayroon ding umiiral na programa sa Protected Area Development and Management na sumasaklaw sa mga lugar na kinaroroonan nito upang pangalagaan ang biodiversity sa loob at katabi ng mga protektadong lugar. Ni CORY MARTINEZ