Espenido Retired Police Lt. Col. Jovie Espenido

Depensa na kay Bato na — Fernandez

109 Views

LALONG nadiin si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagkumpirma ni retired Police Lt. Col. Jovie Espenido sa testimonya ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa na gawa-gawa lamang ang kuwento na nag-uugnay kay dating Sen. Leila de Lima sa bentahan ng iligal na droga.

Sinabi ni Santa Rosa City lone district Rep. Dan Fernandez, co-chairman ng House Quad Comm, na lumipat kay Dela Rosa ang burden of proof sa pahayag ni Espenido na totoong inutusan siya at si Espinosa upang gumawa ng kuwento na ginamit upang sampahan ng kaso si De Lima.

“Syempre ang burden ngayon na kay Senator Bato na. Eh kasi nga nagsalita si Espenido. Nasa kanya ngayon kung paano niya i-dedepensa ‘yung kanyang sarili,” ani Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety sa isang press conference nitong Miyerkoles.

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) ng ipatupad ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sinabi ni Fernandez na binibigyan ng House Quad Comm ng pagkakataon si Dela Rosa upang masagot ang mga alegasyon laban sa kanya.

“That’s the reason why, ‘yun na nga, kung a-alisin niya ‘yung parliamentary courtesy na pwede naman, dahil nga ang ating mga congressman kapag in-invite [sa Senate] pumupunta doon,” sabi pa ng solon.

Sinabi ni Fernandez na kung hindi sasagot si Dela Rosa ang magiging bahagi lamang ng rekord ng Kongreso ay ang mga pahayag nina Espenido at Espinosa.

“So basically maipo-prove niya sa Quad Comm and it will form part if the records na talagang pinatunayan niya na ‘yung mga sinasabi ni Espenido, walang katotohanan,” sabi ni Fernandez.

“Hanggang hindi niya ginagawa ‘yun, 20 years from now, ang makikita ay ‘yung records ng Congress. ‘Yung mga salita nila outside the Congress, hindi na mapapansin yun eh kasi walang record ‘yun. At least ‘yung sa atin, magagamit talaga. And that’s the reason why we are continuing inviting them over to be part of the investigation,” sabi pa nito.

Sa pagdinig ng Quad Comm noong Martes, sinabi ni Espenido na binawi nito ang kanyang naging pahayag sa pagdinig ng Senado kung saan kanyang iniugnay si De Lima sa kalakalan ng iligal na droga.

Sa naunang pagdinig ng Quad Comm, sinabi naman ni Espinosa na pinilit lamang siya at si Espenido ni Dela Rosa upang idawit si De Lima, na nakulong mula Pebrero 2017 hanggang Nobyembre 2023 dahil sa kanilang gawa-gawang pahayag.

Ngayong kinumpirma na ni Espenido ang testimonya ni Espinosa, sinabi ni Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng Quad Comm, na dapat sagutin ni Dela Rosa ang alegasyon.

“Once and for all dapat ma-clarify ‘yan, I don’t know kung inimbita rin nila si Senator Leila de Lima doon or maybe siguro na-imbitahan nila si Col. Espenido. Kung maninindigan si Col. Espenido at sasabihin niya ‘yung sinabi niya doon sa Quad Comm sa Senado, kung siya ay matanong, ay mukhang malaking issue ‘yun para kay Senator Bato,” sabi ni Barbers.

“At dapat meron siyang explanation kung ito’y matatanong at ito’y lalabas na kwento doon mismo sa Senate. So ‘yan ang tingin ko na napaka-importante ang punto rin no,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Barbers na hindi malayo na gawa-gawa rin ang kuwento sa iba pang opisyal na isinangkot sa bentahan ng iligal na droga, ilan sa mga ito ay napatay sa ilalim ng Duterte drug war.

“Bakit? Kasi lumalabas kung titignan natin ‘yung mga salaysay nung mga witnesses sa quad-comm, lumalabas na parang trumped-up charges, o di kaya ay pinilit, o di kaya ay finabricate ‘yung mga kaso laban sa mga nakasuhan ng droga tulad ni Senator Leila de Lima,” ani Barbers.

“At hindi malayo na ginawa rin ito sa iba. Kagaya maaari, maaaring nangyari rin ito sa mayors kung saan, inakusahan na bilang…high-value target or drug lord, kung kaya’t siguro sila pinagbabaril at inassassinate.”

“So palagay ko malaki ang implication kapag doon lumabas itong pag-recount ni Col. Espenido mismo sa harap ni Sen. Bato,” dagdag pa ni Barbers.