Depressed na ama, paslit ng anak nakitang dedo sa unit na tinutuluyan

Edd Reyes Jan 13, 2025
16 Views

PATAY na nang madiskubre ang 22-anyos na ama at kanyang 4-na taong gulang na anak na babae sa loob ng kanilang tinutuluyang Unit sa isang gusali Lunes ng tanghali sa Makati City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Manuel Abrugena, alas-12:15 ng tanghali nang matuklasan ng mag-asawa ang bangkay ng kanilang anak na si alyas “Fernan”, 22, Assistant Chef, at apong si alyas “Ana” sa kanilang tinutuluyang Unit na nasa ikalawang palapag ng isang gusali sa Van Buren St. Pio Del Pilar, Makati City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago pa man natuklasan ng mag-asawa ang bangkay ng anak at apo, batid na nilang dumaranas ng matinding depression ang anak kaya’t nang hindi nila ito makontak, nagtungo na sila sa tinutuluyang Unit ng mag-ama at pilit na binuksan ang pintuan matapos walang tumugon sa kanilang pagkatok.

Nang hindi mabuksan ng mag-asawa ang pintuan, humingi na sila ng tulong sa may-ari ng gusali at nang mabuksan ang pintuan, kapuwa nabigla at napa-iyak ang mag-asawa nang tumambad ang wala ng buhay na anak at apo na kapuwa nakabigti sa handrail ng spiral na hagdanan.

Nakapulupot sa leeg ni alyas Fernan ang kawad ng kuryente at ang dulo ay nakatali sa bakal na railing habang ang batang anak ay may nakapulupot na dalawang tali ng sapatos sa leeg na ang dulo ay nakapulupot sa ika-siyam na baitang ng spiral stair.

Hindi naman inaalis ng pulisya ang posibilidad na posibleng binigti muna ng ama ang kanyang batang anak bago nagpatiwakal sa pamamagitan din ng pagbibigti,

Wala pa ring pahayag ang pamilya ng mga nasawi kung ano ang dahilan kung bakit dumaranas ng matinding depresyon ang lalaki habang patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.