Calendar

Desisyon ng 20th Congress masusunod sa impeachment trial — SP Chiz
KINUMPIRMA ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nakahanda na ang Senado upang ipagpatuloy ang impeachment complaint na isinumite ng House of Representatives.
Sa isang panayam noong Hunyo 2, binigyang-diin ni Escudero na susundin ng Senado ang mga prosesong itinakda ng Konstitusyon at mga patakaran ng lehislatura. Gayunpaman, ipinaliwanag niyang ang anumang desisyon ng kasalukuyang 19th Congress ay hindi maaaring ipataw sa susunod na Kongreso.
“No Congress can bind subsequent Congresses,” aniya. “Hindi kami pwede magpasa ng i-repealable law. Hindi kami pwede magpasa ng isang bagay na hindi na pwedeng galawin o baguhin pa ng susunod na Kongreso.” ani Escudero.
Ayon kay Escudero, plano ng Senado na bumuo ng impeachment court at simulan ang paglilitis sa Hunyo 11.
Kung sakaling hindi dumalo ang alinmang panig, ipapadala ang mga written interrogatories — mga nakasulat na tanong — alinsunod sa pre-trial procedures. “So ang pinaka pwede namin ipadala which is under the rules, bibigyan namin sila ng puwang na mag-submitte ng written interrogatories which is part of pre-trial,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, ang kabilang panig ay maaari pa ring magsumite ng sagot, ngunit may opsyon ding huwag itong pansinin.
Tiniyak din ng Senado na walang default judgment na ipapataw kung hindi agad tumugon ang Bise Presidente. “Anytime pwede siya mag-appear, ang plea of not guilty will be entered in her behalf,” ayon kay Escudero.
Binigyang-diin niya na wala ni isang opisyal, kabilang siya bilang Senate President, ang maaaring magdikta ng magiging takbo ng proseso.
“Desisyon palagi ng plenaryo ang manging ibabaw sa anumang usapin,” aniya.
Ayon pa sa kanya, may posibilidad na hindi ipagpatuloy ng 20th Congress, na magsisimula sa Hulyo 1, ang impeachment trial kahit pa napagbotohan ito ng 19th Congress.
“So pwedeng pagbotohan niya ng plenaryo ng 19th Congress, pero anuman ang desisyon namin, hindi pwedeng diktahan yung 20th Congress. So pwede magkaroon ng ibang pananaw yung 20th Congress,” paliwanag niya.
Bilang patunay ng ganitong posibilidad, inalala ni Escudero ang nangyaring impeachment trial noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, kung saan umatras ang mga tagausig sa kalagitnaan ng paglilitis at tuluyang isinantabi ang kaso.
“Sa kalagitnaan ng impeachment, nag-withdraw ang prosecutors. Natuloy ba ang impeachment? Hindi. Sa dulo in-archive na nga lang yan,” aniya.
Tungkol naman sa mga paratang ng pagkaantala, tinukoy ni Escudero na maging ang mga kongresistang nagsilbing tagausig ay hindi rin agad sinunod ang kanilang sariling tuntunin.
“Yung mga prosecutor na congressman na nagreklamo… sila nga mismo hindi nila sinunod ang sarili nilang rules na immediately i-refer ng Sec Gen ang lahat na impeachment complaint sa Speaker,” sabi niya.
Tinanggihan din ni Escudero ang mga panawagan na magpatawag ng special session habang naka-recess ang Kongreso.
Ipinaliwanag niyang wala siyang kapangyarihang gawin ito nang mag-isa. “Wala. Sa panig at parte ng Senado, bilang Pangulo ng Senado, wala akong kapangyarihan lang magpatawag sa special session. Dahil kailangan mag-resume din ang session ng Kamara, hindi naman ang Senado,” aniya.
Ipinaalam din ni Escudero na batay sa mga patakaran ng impeachment, na hinango mula sa ilang bahagi ng Rules of Court, magkakaroon ng sampung araw ang Bise Presidente upang tumugon sa ipapadalang summons simula Hunyo 11.
Sa pagtatapos ng termino ng 19th Congress sa Hunyo 30, matatapos din ang mandato ng mga tagausig nito, at ang pagpapasya kung ipagpapatuloy ang paglilitis ay ililipat na sa 20th Congress.
Nilinaw ni Escudero na hindi ito dapat ituring na delay kundi bilang isang pagkakataon para gampanan ng Senado ang tungkulin nitong gumawa ng makabuluhang batas.
“Ang nakuha lang namin dito ay mas mahabang panahon para gawin ang totoo naman talaga naming trabaho na magpasa ng makapuluhang legislasyon,” giit niya.
Batay sa mga ulat, ang impeachment complaint ay may kaugnayan sa umano’y paglabag ng Bise Presidente sa tiwala ng publiko at sa pananagutang konstitusyonal, bagamat wala pa itong inilalabas na pampublikong pahayag.
Bilang pagtatapos, ipinaalala ni Escudero sa publiko na bukas pa rin ang lahat ng posibilidad sa ilalim ng konstitusyonal na proseso.
“In the ordinary course of events, it should continue. Unless they decide otherwise,” aniya.