Calendar

Detention, contempt orders vs Roque, Yang inalis ng Quad Comm
INALIS ng House Quad Committee nitong Lunes ang contempt at detention orders laban sa dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque, ang kanyang asawang si Mylah, dating presidential adviser Michael Yang, at dalawa pang indibidwal, kasabay ng pormal na pagtatapos ng malawakang imbestigasyon sa ugnayan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), illegal na droga, at umano’y extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ang Quad Committee—binubuo ng mga Komite ng Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts—ay nag-alis rin ng contempt at detention orders kina Police Col. Hector Grijaldo at Senior Police Officer 4 Arthur Narsolis.
“Ako po ay nagmumungkahi na alisin ang contempt order kina Col. Grijaldo, mag-asawang Myla at Atty. Harry Roque, retiradong pulis Arthur Narsolis, at G. Michael Yang,” ani Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, isa sa mga co-chair ng Quad Comm.
“Inaprubahan ang mosyon matapos walang tumutol,” ayon kay Quad Comm lead chair Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Sunod na iminungkahi ni Paduano ang pag-alis ng detention order kay Col. Grijaldo, na agad namang inaprubahan ng komite.
Matatandaang dalawang beses na-cite for contempt si Roque noong 2024—una dahil umano sa pagbibigay ng maling pahayag kaugnay kay Cassandra Ong, isang kinatawan ng POGO, at pangalawa dahil sa pagtangging magsumite ng mga dokumento ukol sa POGO operations. Siya ay pansamantalang ikinulong, ngunit pinalaya matapos sumunod sa utos ng komite.
Gayunpaman, nahaharap pa rin si Roque sa arrest warrant para sa kasong qualified human trafficking kaugnay sa Lucky South 99, isang POGO hub na ni-raid sa Porac, Pampanga. Ayon sa mga ulat, humingi na siya ng asylum sa Netherlands.
Ang kanyang asawa na si Mylah, ilang ulit ding ipinatawag dahil sa umano’y papel sa pagbili ng mga ari-ariang konektado sa nasabing POGO hub. Kasamang inalis ang contempt order laban sa kanya kasabay ng pagtatapos ng pagdinig.
Si Michael Yang, dating economic adviser ni Pangulong Duterte, ay inimbestigahan noong 2024 dahil sa pagkakadawit sa isang P3.6-bilyong drug bust sa Mexico, Pampanga at ilegal na POGO operations. Ikinabit siya sa Empire 999 Realty Corp. at ilang kumpanyang pinamumunuan ng mga Tsino na hinihinalang ginagamit bilang front ng drug trafficking.
Ang pagkaka-aresto ng kapatid niyang si Tony Yang sa Cagayan de Oro ay nagbunyag ng mga warehouse na ginagamit umano sa parehong POGO at drug smuggling. Tinukoy si Michael Yang ng mga mambabatas bilang “central figure” sa sindikatong nag-uugnay sa sugal at ilegal na droga.
Si Col. Grijaldo ay nakakulong sa House simula pa noong Disyembre 2024 dahil sa paulit-ulit na pagsuway sa mga subpoena ng komite kaugnay sa EJK hearings. Pinakawalan siya ngayong Lunes matapos tanggalin ang contempt at detention orders.
Samantala, si Narsolis, na sinasabing nag-utos sa pagpatay ng tatlong Chinese drug suspects sa Davao Penal and Prison Farm noong Agosto 2016, ay hindi kailanman humarap sa mga pagdinig.
Siya ay nananatiling at large. Ayon sa mga saksi, isinagawa niya umano ang operasyon sa utos ni dating police colonel at PCSO general manager Royina Garma.
Lahat ng natuklasan ng komite ay isinama sa isang pinal na ulat para sa mga rekomendasyong pang-legislative at posibleng kasong kriminal.