Hontiveros

‘Di magandang halimbawa sagutan nina VP Sara, Risa

80 Views

HINDI umano magandang tignan ang naging mainit na palitan ng salita nina Vice President Sara Duterte at Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senado.

Ayon kay Deputy Majority Leader Janette Garin ito ay hindi magandang halimbawa lalo at ang tinatalakay ay ang isang pambatang libro tungkol sa pakikipagkaibigan.

Sinabi ni Garin na maaaring naimpluwensyahan ng mga tsismosa si Duterte kaya na-offend ito sa tanong ni Hontiveros kaugnay ng P10 milyong alokasyon para sa pambatang libro na isinulat ni Duterte at ipamimigay sa mga bata.

“What happened yesterday in the Senate is something that should not be copied in future budget deliberations kasi medyo, I mean, especially for the younger generation watching, medyo pangit tingnan,” sabi ni Garin.

“Kasi ang deliberasyon eh pondo ng gobyerno. Saan napupunta ang buwis ng bayan? We can always answer, oh merong libro, kailangan iyan because it is teaching children morals and values, and friendship is actually part of mental health,” pagpapatuloy nito.

“Siguro may mga bumulong, may mga nang-intriga kaya tuloy ang sagot ni VP Sara is parang pinersonal nya. Parang kapareho kasi yan dun sa (rumors na) pinapa-impeach ka pagdating dito sa Kongreso, syempre parang off na kaagad, precondition yung mind nya probably na yung mga kaharap niya ay masasamang tao kasi may nagsulsol,” dagdag pa ni Garin.

Ipinunto naman ni Garin na natural lamang na magtanong ang mga mambabatas kaugnay ng mga programa ng ahensya na nais nitong mapondohan.

“That’s why as government officials, it’s really very important for us to be wary about the solsuleras and mga marites because … they will also have their own vested interest … but you know in in budget briefings, talagang you just ask about each program,” sabi pa ng mambabatas.

Nakatakdang talakayin ng Kamara de Representantes ang budget ng OVP sa Martes, Agosto 27.

“Well, in a budget briefing, any question can be thrown as long as it’s still related to the budget because when we deal about the budget, we’re talking about where taxpayer’s money are going,” dagdag pa ni Garin.