Vic Reyes

Di pangkaraniwang confi fund ng OVP

Vic Reyes Nov 13, 2024
36 Views

ISANG madandang araw sa lahat ng ating tagasubaybay, lalo na diyan sa Japan.

Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoong Diyos at bigyan kayo ng maayos na kalusugan.

Binabati naman ni Teresa Yasuki ang Family Christian Church California sa pangunguna nila Pastor Pong Clemente at Pastora Marcela Clemente, sa matagumpay na Bible encounter Mission na ginanap sa Luzon, Bacolod , Cebu Balanbam City, Leyte, Samar at Biliran.

Ang nasabing mission ay dinaluhan ng libo-libong tagasubaybay sa nasabing mga lugar.

Binabati rin natin sina Marilyn Yokokoji, La Dy Pinky, Hiroshi Katsumata, Winger dela Cruz, Endio Yumi, Shigeki Tani, at Glenn Raganas.

Mabuhay kayong lahat!

****

Sa mga nakalipas na buwan, nakakaalarmang mga tanong ang lumitaw ukol sa hindi pangkaraniwang hiling ng Office of the Vice President (OVP) para sa confidential funds.

Ang isyung ito ay nagbigay pansin sa kahalagahan ng transparency at accountability. Sa pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability ng Kamara, ang mga tanong ni Kong. Gerville Luistro, kinatawan ng ikalawang distrito ng Batangas, ay hindi lamang simpleng paglilinaw—ito’y mga tanong na naghahangad ng kasagutan mula sa isang tanggapang inaasahang magsilbing halimbawa ng integridad sa pamahalaan.

Sa milyon-milyong pisong pampublikong pondo na nakataya, hindi natin maaaring ipagsawalang-bahala ang mga di-pagkakapareho sa paggastos na nagdudulot ng mas marami pang tanong kaysa sagot.

Ang mga detalyeng inilabas ay nakababahala.

Sa P125 milyon, P16 milyon umano ang nagamit para sa pag-upa ng mga safehouse. Nakakagulat na 34 acknowledgment receipts ang ipinakita bilang dokumentasyon para sa mga safehouse na ito, kabilang ang isang resibo para sa isang araw na nagkakahalaga ng P1 milyon—katumbas ng humigit-kumulang P90,000 kada araw sa loob ng 11 araw. Gayunpaman, ang mga resibong ito mismo ay nasa ilalim ng pagsusuri, dahil ang mga lagda ay mukhang kaduda-duda at hindi tugma.

Ang kakulangan ng malinaw na pagpapatunay ng mga resibong ito ay nagdudulot ng pagdududa sa tunay na layunin ng mga tinaguriang safehouses.

Paano ito maipapaliwanag ng OVP ang ganitong kalabisang gastusin?

Dagdag pa dito, biglang huminto ang OVP sa pag-upa ng mga safehouse sa ika-apat na quarter ng 2023.

Ang biglaang pagtigil na ito ay nagdudulot ng katanungan ukol sa mga “impormante” na sinasabing pansamantalang nanuluyan sa mga safehouse.

Kung ang mga safehouse ay talagang para sa mga impormante, paano maipapaliwanag ang biglaan at ganap na pagtigil ng kanilang pag-upa? Itinapon na lamang ba ang mga impormante, o sadyang wala talagang impormante sa simula pa lang? Karapatan ng publiko na malaman kung saan talaga nagamit ang mga pondo.

Binabantayan ng sambayanan ang usaping ito. Ang kaduda-dudang paggastos ng confidential funds ng OVP ay nagpapabigat sa pananagutan ng tanggapan at ng kasalukuyang administrasyon.

Kung tunay na nakatuon ang pamahalaan sa transparency at mabuting pamamahala, kinakailangang kumilos nang mabilis upang linawin ang mga hindi pagkakapareho sa mga dokumento at matiyak na ang buwis ng mamamayan ay nagagamit nang maayos.

(Para sa ibuing komento at pagbati, tumawag o mag-text sa +63 9178624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)