BBM

Dialysis libre na para sa maraming mahihirap

269 Views

LIBRE na ang pagpapa-dialysis sa karamihan ng mga mahihirap na Pilipino, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).

“Upang mas lalo pang makatulong sa mga pasyente, ang dating siyam-napung libreng dialysis sessions ay inakyat na natin sa isandaan at limampu’t anim. Mga kababayan, libre na po ngayon ang dialysis para sa karamihan ng Pilipino,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi rin ng Pangulo na mahigit 3.4 milyong Pilipino ang nakatanggap ng health assistance sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAP) program ng Department of Health.

Ayon sa Pangulo gumagawa na rin ng mga hakbang ang gobyerno upang matugunan ang kakulangan ng mga doktor at nars sa bansa.

“Tinutugunan natin ngayon ang ating kakulangan sa mga doctor at mga nurse, sa pamamagitan ng mga reporma sa edukasyon, patuloy na pagsasanay, at paniniguro sa kanilang kapakanan,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na ang gobyerno ay nakapagpadala na ng mga doktor sa halos 200 munisipalidad at daragdagan pa umano sa mga darating na araw.

“Upang masuklian naman ang naging sakripisyo ng ating mga health workers sa pribado at pampubliko na mga ospital noong nakaraang pandemya, ipapamahagi na sa kanila ang kanilang COVID health emergency allowance at iba pang mga nabinbing benepisyo,” sabi ni Pangulong Marcos.