Digital app para sa mga OFWs inilunsad

Mar Rodriguez Jun 9, 2024
129 Views

OFW Partylist OFW Partylist OFW PartylistPINANGUNAHAN ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) para sa ikakasang OFW app na naglalayong magbigay ng komprehensibong tulong at impormasyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pamamagitan ng digital app.

Ayon kay Magsino, ang OFW App o application ay proyekto ng OFW Party List Group sa Kamara de Representantes sa pakikipagtulungan nito o binuong collaboration sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sinabi ni Magsino na siya mismo ang naka-isip ng proyekto matapos ang ginawa niyang pakikipag-usap kay DICT Sec. Ivan John Uy sa Budget Deliberations ng ahensiya nito noong 2023 para matulungan ang mga OFWs na nahaharap sa problema.

Kumpiyansa din si Magsino na magiging mabisang instrumento ang OFW App sa pamamagitan ng pakinabang na makukuha sa digital technology upang epektibong matugunan ang mga pangangailangan ng mga OFWs.

“The OFW App is set to become an essential tool for OFWs by leveraging the power of digital technology. Designed as an assistance and information outlet mobile application, the OFW Apps underscores the synergy digitalization efforts among government agencies for OFWs around the world,” sabi ni Magsino.

Kasabay nito, nagpahayag ng kagalakan Magsino matapos ang ratipikasyon ng Kamara de Representantes sa bicameral report para sa Magna Carta of Filipino Seafarers sa ilalim ng 19th Congress.

Pinasalamatan ni Magsino si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez dahil sa suportang ibinibigay ng liderato ng Kamara para maisabatas ang panukalang pakikinabangan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) pati narin ang mga sektor ng mga Pinoy Seafarers.