Calendar
Digitalization, LEDAC bills prayoridad ng Kamara
KASAMA sa prayoridad ng Kamara de Representantes na maaprubahan ang mga panukala kaugnay ng digitalization na magpapabilis sa pakikipagtransaksyon ng publiko sa gobyerno.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasama sa mga panukalang ito ang E-Governance/Government Act.
“We will expedite the passage of these measures to implement the pronouncements of President Ferdinand Marcos Jr. in Davos, Switzerland on his desire for the country to catch up with other nations in digital evolution,” sabi ni Speaker Romualdez.
Sa Davos ay sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nais ng kanyang administrasyon na tugunan ang mabagal na internet connectivity, mga isyu ng cybersecurity, at ang digitalization ng gobyerno.
Sinabi ni Marcos na batay sa pag-aaral nakikipagtransaksyon ang publiko sa pamamagitan ng internet maliban sa gobyerno na nakalulungkot umano.
Ayon kay Romualdez natapos na ng Kamara at nakabinbin ngayon sa Senado ang Internet Transactions/E-Commerce Bill na naglalayong proteksyunan ang mga negosyante at konsumer na nakikipagtransaksyon sa pamamagitan ng internet.
Bukod sa digitalization bills, sinabi ni Romualdez na tututukan din ng Kamara ang pagpasa ng mga panukala na tinukoy na mahalaga ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ang mga panukalang ito ay ang batas para sa natural gas industry, pag-amyenda ng Electric Power Industry Reform Act, Unified System of Separation, Retirement and Pension Act, National Land Use Act, National Defense Act, National Government Rightsizing Program Bill, Budget Modernization Bill, Department of Water Resources Bill, paglikha ng Negros Island Region, Magna Carta for Filipino Seafarers, at pagtatayo ng mga specialty hospitals sa iba’t ibang rehiyon.