PRRD Si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes.

Digong inamin sa Quad Comm na pumatay ng 6 o 7 kriminal sa Davao City

Mar Rodriguez Nov 13, 2024
101 Views

PRRD1PRRD2Noong siya pa ang Mayor

SA kauna-unahang pagkakataon na humarap siya sa imbestigasyon ng quad committee ng Kamara de Representantes, inamin mismo ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na personal niyang pinatay ang tinatayang nasa anim hanggang pitong kriminal sa Davao City, noong siya pa ang nanunungkulan bilang mayor ng lungsod.

Ang naging pag-amin ng dating pangulo ay ginawa nito matapos nitong paunlakan ang malaon ng imbitasyon sa kaniya ng quad comm na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings (EJK), madugo at brutal na war on drugs campaign, at iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) na pawang nakakulapol lahat sa dating administrasyon ni Duterte.

Ito ang inamin ni Duterte matapos siyang tanungin ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas kung mayroon ba itong pinatay o siya mismo ang pumatay noong siya pa ang alkalde ng Davao City.

“Ako, marami. Mga anim o pito, hindi ko na-follow up sa ospital kung natuluyan,” pag-amin at pahayag ni Duterte sa tanong ni Brosas.

Ipinahayag pa ni Duterte na bilang dating mayor, personal aniya siyang nagpapatrolya sa mga lansangan sa Davao City at umaasang makakahanap o makaka-engkuwentro siya ng mga kriminal.

“Nagdasal po ako na magmo-motor ako na may mag-holdaper diyan. At kung talagang mahuli kita, talagang papatayin kita. Wala akong pasensiya sa mga kriminal,” pag-amin ng dating pangulo.

Pinagdiinan naman ni Brosas kay Duterte ang accountability o pananagutan nito sa mga nangyaring EJK na nakaangkla sa kaniyang madugo at brutal na war on drugs campaign. Hinamon pa ng kongresista si Duterte na aminin sa harap ng pamilya ng mga naging biktima ng EJK ang mga pagkakasala nito.

Muli namang nanindigan si Duterte sa mga nauna na nitong pahayag. “I and alone take full legal responsibility sa lahat na nagawa ng mga pulis pursuant to my order. Ako ang mananagot. At ako ang makulong, huwag ‘yung pulis na sumunod sa order ko,” sabi ni Duterte.