Painting Heaven Peralejo and Direk Mikhail Red

Direk Mikhail ipinasunog ang painting na ginamit sa ‘Lilim’

Vinia Vivar Feb 12, 2025
10 Views

Usapang kababalaghan ang isa sa mga naging diskusyon sa mediacon ng horror film na “Lilim” na pinagbibidahan nina Heaven Peralejo, Ryza Cenon, Eula Valdez at Mon Confiado mula sa direksyon ni Mikhail Red.

Sa umpisa pa lang ay ibinahagi na ni Direk Mikhail ang isa sa horror stories na naranasan nila while filming the movie.

Kwento ni Direk, tila sinaniban ng masamang ispiritu ang lumang painting ng isang babae na ginamit nila sa shooting dahil kinatakutan ito ng mga batang cast at parang may kakaiba silang nakikita rito.

Bandang huli ay sinunog na lang nila ang painting.

Si Heaven naman ay may ibinahagi ring weird na nangyari habang nakatira siya sa dati niyang condominium unit.

Kwento niya, gabi-gabi siyang binabangungot sa nasabing condo at hirap siyang gumising.

Ang ginawa niya, pinatingnan niya sa kanyang lola na may third eye ang kanyang unit.

Ang sabi raw nito sa kanya ay may lalaking nakatayo sa kanyang kwarto.

“Sa corner pala ng kwarto ko kung saan ako naka-face, may lalaki raw na nakatingin lang. Sabi ko, ‘Ha???’ So after nu’ng nalaman ko ‘yun, tumaas talaga ‘yung balahibo ko.

“And then, umalis na ako sa condo, kasi hindi ko na kaya,” tsika ni Heaven.

Si Eula naman ay maraming beses nang naka-experience ng mga kababalaghan. Nakakakita rin daw siya ng ghosts o yumao nang tao.

Kaya nga hindi siya nagpupunta sa mga patay dahil madalas ay may mga sumusunod sa kanyang kaluluwa.

“‘Pag taping, may mga nakikita ako na nasa puno na mga itim and mga mata nila, umiilaw,” kwento niya.

Kinakausap lang daw niya ang mga ito na huwag mang-iistorbo.

“Marami pa, nasanay na lang ako,” aniya.

Si Mon naman ay ibinahagi ang nangyayari sa kanya tuwing may eksena siyang nakahiga sa kabaong.

“Tatlong beses na akong pinapasok sa loob ng kabaong. At pramis, iba ang feeling sa loob. At every time na pinapasok ako sa loob, after the shoot, nilalagnat ako,” aniya.

“And recently lang, na-witness pa ni Heaven, four days ago, pinasok na naman ako sa ataul. At grabe, nilagnat na naman ako,” dagdag pa niya.

Ang sabi raw sa kanya ay bago ang kabaong na pinapagamit sa kanya pero feeling niya ay nagamit na ito ng mga taong yumao.

“Parang amoy-bangkay du’n sa loob,” natatawa niyang sabi.

Samantala, pagkatapos ng world premiere ng “Lilim” sa Rotterdam, bumuhos ang magagandang review ng international publications para rito.

Naging official selection din ito sa 54th International Film Festival at kinilala sa Asian Movie Pulse bilang isang “well-directed, well-shot, well-acted psychological horror/slasher that will definitely satisfy all fans of the particular genre” dahil sa nakakakilabot na kwento at husay ng cast.

Nagsisimula pa lang ang global impact ng ‘Lilim’ matapos itong mag-iwan ng marka sa IFFR.

Magpapatuloy ang pananakot ng pelikula sa mas maraming manonood sa buong mundo.

Napili ang ‘Lilim’ na lumahok sa mas marami pang prestigious festivals, isang mahalagang tagumpay ng Filipino horror genre sa international scene.

Samantala, malapit nang maranasan ng Pinoy viewers ang nakakasindak na misteryo ng ‘Lilim.’ Palabas na ito sa mga sinehan sa buong bansa simula March 12.